Mga blood donors, LGUs, kinilala sa Sandugo Awards sa Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Binigyang pagkilala ng Batangas Provincial Blood Council (PBC) ang mga naging kabahagi nito sa matagumpay na pagsasagawa ng kanilang mga blood donation drives sa ginanap na Sandugo Awards kamakailan.
 
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Rozvilinda Ozaeta, na taon-taon ay kinikilala ng PBC ang kanilang mga katuwang sa pangangalap ng sapat na dami ng suplay ng dugo sa lalawigan.
 
“Ito ang ika-12 taong nagbibigay pagkilala tayo sa ating mga katuwang upang ang mga bloodletting activities na ating isinasagawa ay maipagpatuloy at lalo pang maging matagumpay sapagkat iisa ang ating mithinn sa pagsasagawa nito, ang makapagsalba ng buhay ng ating kapwa,” ani Ozaeta.
 
Hinihikayat din niya ang lahat ng lokal na pamahalaan na magkaroon ng listahan para sa may kakaibang blood type tulad ng Type AB na hindi madaling hanapin upang sa panahon ng pangangailangan ay mas mapadali ang paghanap nito.
 
Binigyang diin naman ni Dr. Arnel I. Valencia, Regional Director ng Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD) Calabarzon na ang Batangas ang kaisa-isahang lalawigan na nananatiling aktibo ang Provincial Blood Council at Sandugo Awards.
 
Ibinahagi rin nito na nakatakdang lumipat ang tanggapan ng DOH-CHD Calabarzon sa Lungsod ng Lipa kung saan nagkaloob ng 1.2 ektarya ng lupain ang pamahalaang lungsod ng Lipa upang pagtayuan ng gusali ng kanilang tanggapan.
 
“Lahat ng programa ng aming ahensya ay tungo sa iisang adhikain na maisulong ang serbisyong pangkalusugan at isa ang Batangas sa nangunguna sa pagpapatupad ng Universal Health Care kung saan nasa 53% na ito,” ani Valencia.
 
Ayon kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, ang Sandugo Awards ay simbolo ng pagkakaisa at pagsasama sama upang bigyang halaga ang ginagawa ng PBC at patuloy na maisulong ang Universal Health Care Law at maipatupad ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat.
 
Kabilang sa mga lokal na pamahalaan na tumanggap ng parangal ang Batangas City, Lipa City, at Tanauan City bilang top three performing cities.

 
Bukod dito, hinirang din ang ang mga lokal na pamahalaan ng Alitagtag, Cuenca at Malvar bilang top three performing municipalities. 
 
Ang mga lungsod at munisipalidad na ito ay nakakolekta ng higit sa 100% na target ng suplay ng dugo.
 
Binigyang pagkilala rin ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na nakibahagi sa mga bloodletting activities, kasama ang mga private organizations, business establishments, indibidwal at maging national government agencies kabilang ang Philippine Information Agency.
 
Nagbigay ng kaniyang mensahe si Bb. Elena Driz, isang galloner awardee  mula sa Lungsod ng Batangas kung saan nakapagbigay ito ng 24 na beses ng kanyang dugo at sinabing kung papayagan sa edad na 68 ay bukas pa din ang kanyang loob na magkaloob upang makapagdugtong ng buhay.
 
Isa pa sa nagpasalamat sa mga bumubuo sa Provincial Blood Council si Zian Buela, ama ng isang batang mula sa Cancer Warriors Foundation na maraming beses ng nakatanggap ng blood donation mula sa mga bloodletting actitivies ng PBC. (BPDC)

In other News
Skip to content