Mga Caviteño, nagpasalamat sa tulong pinansyal na inihatid ni Pangulong Marcos

TAGAYTAY CITY, Cavite (PIA) — Nagpaabot ng pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga magsasaka at mangingsda sa lalawigan ng Cavite para sa tulong pinansyal na inihatid ng Pangulo ngayong Huwebes, Nobyembre 14.

Aabot sa mahigit P42-milyon ang halaga ng tulong na ipinamahagi ni Pangulong Marcos sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and their Families program para sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Sa tulong pinansyal at sa mensahe ng pagbangon na inihatid ng Pangulo, malaki ang pag-asa ng mahigit 4,200 benepisyaryo na agad silang makakabangon mula g sunod-sunod na kalamidad na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Para kay Mario De Guia, isang magsasaka mula sa Tagaytay City, Cavite gagamitin niya ang natanggap na tulong bilang puhunan para sa pagtatanim matapos sirain ng bagyong Kristine ang kanilang mga pananim.

“Kami po ay magpapasalamat sa natanggap namin mula kay Pangulong Marcos at Department of Agriculture. Makatutulong po ito sa aming pagbangon, sa aming pagtatanim, sa aming kinabukasan at sa aming pamilya.”

Malaking tulong naman para kay Ianthe Bacani, isang magsasaka at manininda ng prutas at gulay ang natanggap na tulong pinansiyal mula sa pangulo. Aniya, ilalaan niya ito sa pang-upa sa mga magtatanim at panimula para sa kanilang muling pagbangon matapos ang mga nagdaang bagyo.

“Ako po ay nagpapasalamat dahil biniyayaan niya kami ng pera para sa aming mga halaman at gulay, at para makapagtanim, at makaahon muli sa [epekto] ng bagyong Kristine,” ani Bacani.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Cavite Governor Athena Tolentino para sa tulong na inihatid ng Pangulo sa mga magsasaka at mangingisdang Caviteño.

“Kami po ay taos pusong nagpapasalamat sa oras at handog na tulong para sa mga naapektuhang pamilya, magsasaka, at mangingisda. Kaya’t Mr. President, kami po ay nagpapasalamat para sa inyong walang suporta at pagmamahal sa lalawigan ng Cavite,” ani Tolentino.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Pangulong Marcos na tuloy-tuloy ang pamahalaan sa paghahaid ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mga hakbang na isinagawa ng pamahalaan upang mapalakas ang kahandaan nito sa mga kalamidad na dulot ng climate change.

Aniya, kabilang dito ang Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project, na inaasahang makakapigil sa matinding pagbaha sa lalawigan ng Cavite.

Ayon sa Pangulo, inatasan na rin niya ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan na suriin ang mga flood control masterplan upang matiyak na kayang-kaya ng ating imprastruktura ang tumitinding pag-ulan at pagbaha.

“Tungkulin nating ihanda ang ating bansa, pagyamanin ang ating makabagong estratehiya, at siguruhin ligtas ang ating mga kababayan. Inatasan ko na ang Department of Public Works and Highways na muling suriin ang mga flood control masterplan upang matiyak na kayang-kaya ng ating ating mga imprastraktura ang tumitinding pag-ulan at pagbaha.”

Sa huli, hinikayat ng pangulo ang bawat isa na manatiling matatag at magtulungan sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan ng bansa dahil sa mga sunod-sunod na kalamidad.

“Sa kabila ng mga pagsubok na ating pinagdadaanan, nawa’y pumaibabaw ang ating pagkakaisa at pakikipagkapwa. Hinihikayat ko kayong lahat na manatiling matatag, magtulungan, at huwag mawalan ng pag-asa dahil ang pamhalaan at katuwang ninyo sa bawat hakbang tungo sa pagbangon.”

In other News
Tags: PAFFF, PBBM
Skip to content