ODIONGAN, Romblon (PIA) — Namahagi ng cash assistance kamakailan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga mag-aaral ng high school sa buong bayan ng Romblon, Romblon.
Ang pondong ito ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations ng opisina ni Romblon Congressman Eleandro Madrona. Kasama sa pamamahagi ng cash assistance ang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan na pinangunahan ni Governor Jose Riano.
Ayon kay Abegail Fetilo, SWAD Team leader ng DSWD Romblon, kabuuang 923 na mag-aaral mula sa Junior High School at Senior High School ang nakatanggap ng cash assistance na nagkakahalaga ng P2,036,000.00.
Ang mga mag-aaral na ito ay mula sa Romblon National High School (NHS), Macario Molina NHS, Li-o Extension NHS, Agnipa NHS, Sablayan Extension NHS, at Alad NHS.
Malaking tulong umano ito para sa mga mag-aaral sa bayan ng Romblon upang maibsan ang kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral.
Sinabi rin ni Fetilo na ito ay bahagi rin umano ng patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa mga pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na sa larangan ng edukasyon. (PJF/PIA MIMAROPA-Romblon)