Mga ‘evacuees’ sa Southern Palawan, umabot na ng 6,800 indibiduwal


Inaasikaso ng kawani ng Muncipal Health Office (MHO) ng bayan ng Brooke’s Point ang isang evacuee na nasugatan. (Larawan mula sa Brooke’s Point MIO)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Tuloy-tuloy ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Brooke’s Point sa kanilang isinasagawang paglilikas ng mga residenteng apektado ng pagbaha na dulot ng Low Pressure Area (LPA).

Katuwang ng MDRRMO ng nasabing bayan ang PDRRMO-Palawan, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Marines, Rescue 165 at iba pang ahensiya at tanggapan sa pamahalaang lokal ng bayan ng Brooke’s Point.

Ayon sa Situational Report na inilabas ng Palawan Emergency Operation Center ngayon umaga ng Enero 5, 2023 ay umaabot na sa 2,713 pamilya o 8,600 individual ang mga nailikas mula sa mga bayan ng Brooke’s Point, Rizal at Sofronio Española kung saan pinakamarami dito ang sa bayan ng Brooke’s Point na nasa 2,293 pamilya o 6,900 individual.

Sa bayan ng Sofronio Española, nasa 240 pamilya o 1,700 indibiduwal, samantalang sa bayan ng Rizal ay mayroon 13 pamilya o 37 indibiduwal ang nailikas.

Labing-pito sa 18 mga barangay sa bayan ng Brooke’s Point ang naapektuhan ng pagbaha. Nagpa-abot na rin ng tulong ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Municipal Health Office (MHO) sa mga evacuation na may mga pangangailangan partikular na sa kalusugan.

Nagpadala na rin ng kagamitan at tauhan ang Puerto Princesa City at mga munisipyo ng San Vicente, El Nido, Roxas, Rizal, Quezon, Narra at Bataraza bilang augmentation sa patuloy na rescue operation.

On-going naman ang validation na isinasagawa ng MDRRMO-Brooke’s Point sa mga naililikas o evacuees sa mga evacuation center.  (OCJ/PIA MIMAROPA)

Larawan sa taas ng mga inililikas, mula sa Brooke’s Point-MIO

In other News
Skip to content