Mga heavy equipment na gagamitin sa mga ilog sa lalawigan, dumating na

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Dumating kamakailan sa Dangay Port sa bayan ng Roxas ang mga heavy equipment ng pamahalaang panlalawigan na pangangasiwaan ng Firehorse Construction Services (FCS) na siyang gagamitin sa pagsasaayos at pagpapalalim ng mga ilog sa segunda distrito ng lalawigan.

Sinabi ni Gob. Humerlito A. Dolor na libreng ipapagamit ng kapitolyo ang mga naturang kagamitan tulad ng dump truck, backhoe, pay loader at iba pa sa mga LGU o sa pribadong sektor bilang bahagi ng corporate social responsibility.

Agad na dinala ang mga heavy equipment sa mga ilog na natukoy ng Environment and Natural Resources Office at ng Provincial Engineering Office na kailangan palalimin upang maiwasan ang matinding pagbaha sakaling dumating na ang panahon ng tag-ulan.

Nakipagtuwang ang Pamahalaang Panlalawigan sa FCS sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan noong Mayo 31.

Layunin ng pamahalaang panlalawigan na maibsan ang takot at pangamba ng mga Mindoreño tuwing bubuhos ang malakas na ulan lalo na kung may paparating na bagyo sa rehiyong Mimaropa. (DN/PIA Mimaropa-OrMin/PIO-OrMin)

In other News
Skip to content