Mga huwarang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya, kinilala sa Batangas

BATANGAS CITY (PIA)— Ginawaran ng pagkilala ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga natatanging pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) para sa kanilang pagsisikap sa hamon ng buhay upang maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

Ang pagkilala ay iginawad kamakailan sa ilalim ng Provincial Search for Huwarang Pantawid Pamilya 2023 program ng DSWD at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Layon ng parangal na patuloy na maisulong na maiangat ang buhay ng bawat Batangueño lalo na ang mga nangangailangan ng ibayong paggabay at pag-alalay.

Binigyang parangal ang Pamilya Medrana mula sa Brgy. San Juan, lungsod ng Sto. Tomas ang unang puwesto sa titulong Huwarang Pantawid Pamilya 2023 habang pumangalawa ang Borbon Family ng Brgy. San Miguel sa bayan ng Lobo.

Nasa ikatlong puwesto ang Padua Family mula sa Brgy. Putting kahoy sa bayan ng Lian at pumang-apat ang Dimaano family sa Brgy. Bungahan sa bayan ng Ibaan.

Bukod sa pagkilala ay isinusulong din ng PSWDO ang family role modeling sa mga pamilyang bahagi ng 4Ps at ibayong pagpapatibay ng samahan ng bawat pamilya tungo sap ag-unlad ng kanilang pamumuhay.

Ang mga benepisaryo ng 4Ps ay may buwanang allotment na natatanggap upang matulungan sila sa usaping pangkalusugan at edukasyon ng bawat pamilya. (BPDC)

In other News
Skip to content