LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) — Muling pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ang mga iskolar nito na bigyang-halaga ang kanilang pag-aaral upang makapagtapos at makatulong sa kani-kanilang pamilya.
Sa ginanap na paglagda sa memorandum of agreement at distribusyon ng tulong pinansyal sa mga iskolar nitong Lunes, binigyang-diin ni Governor Emmylou Mendoza na lalo pang pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan ang pagtulong sa sektor ng kabataan sa probinsya. Aniya, isa ang pagbibigay ng scholarship grant upang masiguro ang magandang kinabukasan ng kabataang Cotabateño.
Sa naganap na distribusyon ng tulong pinansyal, nakatanggap ang abot sa 1,000 iskolar ng tig-P6,000 na kanilang gagamitin sa kanilang pag-aaral sa unang semestre ng school year 2023-2024.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Rhever Jude Ansing, 2nd year student ng Bachelor of Science in Nursing mula sa University of Southern Mindanao sa Kabacan, sa scholarship program ng pamahalaan. Aniya, ang programa ay malaking tulong sa kabataan lalo na hirap sila sa babayarin sa paaralan.
Pinasalamatan din ni Emylou Paculio, estudyante mula sa Cotabato Medical Foundation College sa bayan ng Midsayap, si Governor Mendoza sa inisyatibo nitong mabigyan ng pagkakataon ang mahihirap na makapag-aral.
Ayon sa kanya, ang programa ay nagbubukas ng oportunidad sa kabataang desididong makapagtapos upang makamit ang kani-kanilang mga mithiin sa buhay. (PIA Cotabato Province)