Mga kababaihan sa Cuyapo, Guimba tumanggap ng ayuda mula sa DSWD

CUYAPO, Nueva Ecija (PIA) – Humigit kumulang dalawang libong kababaihan sa Cuyapo at Guimba sa Nueva Ecija ang tumanggap ng tig-tatlong libong piso mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ito ay sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Sa kanyang pagdalo sa pamamahagi, ipinahayag ni Senador Imee Marcos ang kahalagahang ibalik ang tulong direkta sa tao tulad sa mga benepisyaryo na mga kababaihang may kapansanan, solo parent, senior citizen at iba pang sektor na higit na nangangailangan.

Bukod  sa tulong pinansiyal ay ipinagkaloob din sa dalawang munisipyo ang karagdagang tig-limang milyong pisong agricultural grant na maaaring magamit sa mga programang pangkabuhayan na kailangan ng sektor ng mga kababaihan at mga magsasaka.

Sa kanyang pagbisita sa lalawigan ay ibinalita din ni Marcos na naaprubahan ang kahilingan ng pamahalaang bayan ng Cuyapo na pagpapatayo ng Multi-Purpose Evacuation Center na popondohan ng 10 milyong piso.

Para naman sa mga magsasaka ng palay ay asahan sa susunod na buwan ang pagsisimula ng programang Rice Farmers Subsidy na nagkakahalaga ng tig-limang libong piso.

Pahayag ng Senadora, asahan ang tuloy-tuloy na tulong ng gobyerno at kung marami man ang nararanasang problema ay laging tandaang mas marami pa din ang solusyon.

Kasama ni Marcos sa pamamahagi ng tulong pinansiyal sa bayan ng Cuyapo sina Governor Aurelio Umali, Mayor Florida Esteban at DSWD Assistant Regional Director for Operations Venus Rebuldela samantalang sumalubong din ang mga opisyales ng pamahalaang bayan ng Guimba sa idinaos na programa at pagdating ng Senadora. (CLJD/CCN-PIA 3)

Personal na dumalo si Senator Imee Marcos sa pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mga kababaihan sa bayan ng Cuyapo sa Nueva Ecija. Kasama sa larawan si Department of Social Welfare and Development Assistant Regional Director for Operations Venus Rebuldela (nasa kaliwa) at Cuyapo Mayor Florida Esteban (nasa kanan). (Camille C. Nagaño/PIA 3)

In other News
Skip to content