SARANGANI PROVINCE (PIA) –Binigyan ng insentibo noong Lunes, Enero 23, ng Sarangani Provincial Government ang 36 na kabataang Sarangan na may Latin honors alinsunod sa Provincial Ordinance No. 2021-10-082.
Ayon sa Sarangani Provincial Information Office ito ay base sa ordinansa na ipinasa ni Sangguniang Kabataan Federation President Rheymar M. Dian kung saan makatatanggap ng P5,000 ang Summa Cum Laude; P3,000 ang Magna Cum Laude; at P2,000 naman ang Cum Laude.
Dahil dito, nagpasalamat sa lokal na pamahalaan si Dominic Carl E. Gascon, isang Summa Cum Laude na residente ng munisipalidad ng Malungon, dahil sa natanggap na cash incentive.
Umaasa ito na mas marami pang mga Sarangan ang magiging awardees dahil sa inspirasyong dulot ng “Youth Excellence Award and Outstanding Sarangani Youth Incentives Program” ng lokal na pamahalaan.
Dagdag pa sa ulat ng Provincial Information Office layon ni Gascon na mahikayat ang mga kabataan na mas yakapin pa ang edukasyon bilang mahalagang bahagi ng buhay.
“Education is the best thing that we can hold on to for the change of our world,” pagbibigay diin nito.
Samantala, nilinaw ni John Oliver Tablazon, Local Youth Development Officer ng probinsya, na ang nasabing incentive program ay naisakatuparan simula 2021 matapos maaprubahan ang ordinansa na naglalayong mahikayat ang mga kabataan upang makilahok sa pagpapaunlad ng Sarangani.
Aniya, makakakuha lamang ng cash incentive ang mga Latin honor awardee kapag makapagbibigay sila ng proof of award, barangay certificate, photocopy ng kanilang voter registration card, at kung ang mga dokumento ay hindi pa lumagpas sa 6 na buwan mula sa petsa ng award.
Naganap ang pagkilala sa Provincial Flag Raising Ceremony kasama sina Vice Governor Elmer de Peralta at Board Member Irish Arnado. (Harlem Jude Ferolino, PIA-SarGen)