Mga katutubo sa lalawigan, prayoridad sa programang Agri ng Kapitolyo

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Ayon sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA), prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan (LGU) ang mga katutubo at tinitiyak na may nakalaang tulong sa mga ito sa mga programang pang-agrikultura.

Sinabi ni Provincial Agriculturist Engr. Alrizza Zubiri na batid ni Governor Eduardo Gadiano na may mga pagkakataong hindi napapasama ang mga Indigenous peoples (IPs) bilang benepisyaryo ng panrehiyong tanggapan ng Department of Agriculture (DA) dahil sa kakulangan ng mga ito sa hinihinging requirements sa isang programa katulad ng pagpapatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at iba pa.

Paliwanag ni Zubiri, ang mga katutubong hindi pinalad mapabilang sa mga ganitong programa ang prayoridad tulungan ng LGU. Tulad aniya ng distribusyon ng mga binhi kung saan batay sa talaan ng OPA, may 114 bags ng certified seeds na ang ipinamahagi ng kanilang tanggapan sa mga IPs, kabilang ang mga magsasakang katutubo ng Magsaysay at Rizal.

Kwento pa ni Zubiri, itinataon nilang ibigay ang mga binhi tuwing malapit na ang tag-ulan. Aniya, kadalasan ay rain-fed farms o sakahang umaasa sa tubig-ulan ang pinagtatamnan ng mga IPs kung kaya’t dapat maagang ipagkaloob sa mga ito ang certified seeds upang maihanda ng mga katutubo ang kanilang sakahan.

Nais ding iparating ng opisyal na bagamat may nakalaang tulong, ang bilang o dami ng nakukuhang ayuda ng isang katutubo ay nakabatay sa laang pondo ng Kapitolyo. Sakali aniyang maubusan ng binhi ang isang benepisyaryo, tiniyak ni Zubiri na prayoridad itong mabibigyan sa kasunod na cropping season.

Paalala ni Zubiri sa mga nais dumulog sa tanggapan ni Governor Gadiano, maaari silang humiling sa pamamagitan ng isang liham at isumite ito sa tanggapan ng Gobernador. Bukod sa binhi ng palay at mais, sinabi ng Provincial Agriculturist na maaari ring makatanggap ng binhi ng gulay ang mga magsasaka ng lalawigan. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

Larawan sa itaas mula sa PIO Occidental Mindoro

In other News
Skip to content