PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nagtipon-tipon ang nasa 235 na mga opisyales at miyembro ng kooperatiba mula sa iba’t-ibang munisipyo sa lalawigan sa isinagawang 14th Provincial Cooperative Convention kamakailan.
Ang nasabing aktibidad na may temang ‘Kooperatiba: Tugon sa Hamon ng Kabuhayan sa Makabagong Panahon’ ay matagumpay na naisakatuparan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang mga miyembro ng Provincial Cooperative Development Council (PCDC).
Layunin ng kumbensyong ito na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga kooperatiba sa buong lalawigan patungkol sa mga bagong kautusang inilalabas, gayundin upang mas mapalawak ang kaalaman sa mga oportunidad na maaari pa nilang pagkakitaan.
Makabuluhan at napapanahong mga paksa ang pinag-usapan sa pagtitipon tulad ng ‘Empowering Cooperatives Through Digitalization’ na tinalakay ni Dennis Nice A. Geraldez, Area Manager ng Digi Coop.
Nagbigay naman ng mga update sa kooperatiba sina Cooperative Development Authority (CDA) Acting Regional Director Alberto A. Sabarias at Cooperative Bank of Palawan Acting Head ng Operations Department Alvin Dela Peña gayundin si Palawan Cooperative Union at PCDC Chairperson Dr. Romeo A. Valdez.
Nagbahagi rin ng kanyang success story si Forester Arnel C. Gamutia, may-ari ng Arnel Agri-based Product.
Iniulat naman ni Department of Agriculture MIMAROPA Regional Technical Director for Operation Celso C. Olido ang mga programa, proyekto at inisyatibo para sa ikauunlad ng mga kooperatiba sa buong MIMAROPA Region.
Ayon kay Provincial Cooperative Development Officer Gina Socrates, patuloy ang mga inisyatibong ginagawa ng kanilang tanggapan upang patuloy na matulungan ang mga kooperatiba sa lalawigan lalo na ang pagpapahiram ng tulong puhunan sa mga ito sa pamamagitan ng iba’t-ibang Credit Assistance Program (CAP).
Ginanap ang ito sa Flores de Musa Inn, lungsod ng Puerto Princesa bilang bahagi ng pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan Festival at sa pagkakatatag ng PCDC kung saan dumalo rin sa naturang pagtitipon sina Gob. Victorino Dennis M. Socrates, Board Member Nieves M. Rosento na siyang Chairperson ng Committee on Cooperatives and Non-Government Organizations sa Sangguniang Panlalawigan kasama sina Board Members Ma. Angela V. Sabando, Roseller S. Pineda at Ariston D. Arzaga upang ipakita ang suporta sa mga kooperatiba sa lalawigan lalo na’t naapektuhan din ang mga ito ng pandemya ng COVID-19.
Binigyang-diin ng mga ito ang mahalagang papel ng mga kooperatiba sa pag-angat ng ekonomiya ng lalawigan. (OCJ/PIA-Palawan at may kasamang ulat mula sa Provincial Information Office ng Palawan)
Ang isinagawang Provincial Cooperative Convention kamakailan sa lalawigan ng Palawan. (Mga larawan sa itaas at ibaba ay mula sa PIO-Palawan)