BOAC, Marinduque (PIA) — Tumanggap ng tulong-pinansyal ang mga barangay secretary, treasurer at ulitily worker mula sa mga bayan ng Boac, Gasan at Mogpog kamakailan.
Personal na iniabot ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. sa mga benepisyaryo ang halagang P3,000 na kaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Tanggapan ni Congressman Lord Allan Jay Velasco at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque.
Ayon kay Velasco, ang pagbibigay ng insentibo sa mga lingkod ng barangay ay bilang pagkilala sa kanilang mahalagang kontribusyon at serbisyo sa mga mamamayan at komunidad.
“Binibigyang halaga po natin ang dedikasyon ng mga kawani mula sa iba’t ibang sektor lalong lalo na ang mga nasa barangay na patuloy na nagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Velasco.
Samantala, lubos ang pasasalamat ni Monaliza Lineses, ingat-yaman ng Brgy. Laylay, Boac sa natanggap na tulong-pinansyal mula sa pamahalaan.
“Nagpapasalamat po ako sa ibinigay na biyaya sa amin sapagkat hindi kami nakalilimutan ng ating gobyerno lalong lalo na ni Gov. Presby Velasco. Malaking tulong po ito para sa akin dahil malapit na po ang pasukan ng aking mga anak kaya gagamitin ko po ito na pambili ng kanilang pagkain at mga gamit sa paaralan,” pahayag ni Lineses.
Magpapatuloy naman ang pamamahagi ng financial assistance para sa District 2 na binubuo ng mga bayan ng Torrijos, Santa Cruz at Buenavista sa darating na Linggo. (RAMJR/PIA Mimaropa-Marinduque)