Mga lolo at lola sa Boac, tatanggap ng P500 birthday cash gift

BOAC, Marinduque (PIA) — Makatatanggap nang P500 bawat isa ang mga rehistradong lolo at lola sa bayan ng Boac sa tuwing sasapit ang kanilang kaarawan.

Ito ang nakapaloob sa Municipal Ordinance No. 2021-303 o The Cash Incentives for Senior Citizens Ordinance of 2021 na inakda ni Vice Mayor Mark Anthony Seno.

Ayon kay Seno, isinulat n’ya ang ordinansa bilang pagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa mga lolo at lola sa kanilang naging kontribusyon sa bawat pamilya at sa bayan.

“Ang nasabi pong insentibo ay ipagkakaloob tuwing anibersaryo ng kaarawan o kanilang birthday. Makakaasa po kayo na ang pagtutok sa sektor na ito at sa iba pang sektor ng ating lipunan ay magiging prayoridad ng inyong lingkod,” pahayag ng bise-alkalde.

Nakapaloob din aniya sa nasabing ordinansa ang pagbibigay ng P10,000 para sa mga matatanda na may edad 90-99.

Samantala, magsisimula ang pagkakaloob ng nasabing birthday cash gift ngayong Enero 2023. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)

In other News
Skip to content