BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) – Bilang handog sa ‘Araw ng mga Puso’, nagbigay ng P50, 000 na insentibo ang pamahalaang lokal ng Nueva Vizcaya sa mga mag-asawang nagsasama ng 50 taon o higit pa sa lalawigan.
Nasa 42 na mga mag-asawa mula sa bayan ng Aritao, Bambang, Bayombong, Dupax del Norte, Kasibu, Quezon, at Solano ang tumanggap ng nasabing insentibo, papuri at rekognisyon sa Ammungan Hall, sa provincial capitol compound.
Ayon kay Flordeliza Granada, Provincial Social Welfare and Development Officer, ang P50,000 na insentibo ay hango sa Enduring Devotion Ordinance ng PLGU.
Layunin ng ordinansa na bigyan ng kaukulang pagkilala, parangal at insentibo ang mga mag-asawang nagsasama ng 50 taon o higit pa.
“Pinapahalagahan ng PLGU ang patuloy na pagsasama ng mga mag-asawa sa lalawigan bilang mahalagang pundasyon sa ikagaganda at ikauunlad ng mga pamilya na siyang kayamanan ng Nueva Vizcaya,” pahayag ni Granada.
Dagdag pa nito na magiging inspirasyon ng mga kabataan ang tatag ng pagsasama ng kanilang mga magulang upang humarap sa mga hamon ng buhay.
Simula noong Disyembre 2024, nasa 50 na mag-asawa na ang nabigyan ng insentibo at papuri mula sa Enduring Devotion Ordinance ng PLGU.
Sa kasalukuyan, mahigit 900 na ang kasalukuyang aplikante upang makakuha ng nasabing insentibo na hatid ng nasabing ordinansa ng PLGU.(BME/PIA NVizcaya)