SANTA CRUZ, Marinduque (PIA) — Nasa 15 mga magulang ng kinilalang child laborer (PCL) ang napagkalooban ng libreng pagsasanay sa pagpapalaki ng paru-paru sa Barangay Lamesa, Santa Cruz.
Ang naturang programa ay pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang Technical Educational Skills and Development Authority (TESDA) at mga miyembro ng Province-wide Reinvigoration of Economic Skills in Butterfly Production Industry-Livelihood and Value Addition (PRESBI-LAV) Convergence Project.
Kabilang ang nasabing mga magulang sa kabuuang 33 benepisyaryo na naka-enroll sa Butterfly Production Level II at tumanggap ng mga kagamitan sa pag-aalaga ng mga bila-bila– lokal na katawagan sa paru-paru na naglalayong mapalakas ang industriya nito bilang suporta sa turismo at pababain ang antas ng child labor sa probinsya.
Sa loob ng limang araw at sa patnubay ng TESDA-Marinduque Trainer na si Mayann Pizarra, inaasahang matututo ang mga bagong benepisyaryo ng mga hakbang sa pag-aalaga ng mga bila-bila. Una na rito ay ang pag-aaral sa iba’t-ibang uri ng bila-bila at moth species, mga pagkain nito, mga pesteng dapat bantayan at kung paano ito kontrolin at puksain.
May kabuuang 33 benepisyaryo kabilang ang 15 parents of identified child laborers (PCLs) mula sa Barangay Lamesa, Santa Cruz ang dumalo sa unang araw ng pagsasanay. (Larawan mula sa DOLE-Marinduque)
Nagpasalamat naman si Florita Nabos, isang magsasaka at tagapagbantay ng identified child laborer sa DOLE-Marinduque dahil sa natanggap na Butterfly Production Starter Kit gayundin sa karagdagang kita na maidudulot ng programa sa kanyang pamilya.
“Ako po ay natutuwa dahil nabigyan kaming mga misis na kagaya ko na karaniwang nasa tahanan lamang nang dagdag na mapagkakakitaan. Katulad ko na habang nagsasaka, nakatutuwa na pwede kong subukan ang butterfly farming at hindi na kailangang umalis pa ng bahay o lumayo pa sa amin,” saad ni Nabos.
Isa rin ang 48 anyos na si Virgilia Mayo sa nagbigay pasasalamat sa oportunidad na kanilang natanggap.
“Masaya po ako at nagpapasalamat dahil nakatuto kami ng ibang bagay na mapagkakaabalahan. Maigi rin po at napili kaming mapasali sa programa ng DOLE at TESDA. Marami po akong natutunan kaya naman aking palalaguin at iintindihin itong mabuti,” ani Mayo.
Katuwang ang mga miyembro ng PRESBI-LAV Convergence Project, nagpahayag ng suporta sina DOLE Provincial Director Philip Alano, TESDA Marinduque Provincial Director Zoraida Amper, Provincial PESO Manager Alma Timtiman ng Livelihood and Manpower Development-Public Employment Services Office (LMD-PESO), Jozelle Castro ng Department of Trade and Industry (DTI), Simeon Diaz mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Richard Justin Lancion ng Department of Information, Communications and Technology (DICT), at Bokal Ishmael Lim bilang kinatawan ni Governor Presbitero Velasco, Jr.
Ayon sa Panlalawigang Direktor ng DOLE-Marinduque, layunin ng programa na mabigyan ng panimulang hakbangin ang mga benepisyaryo sa pagkakaroon ng kabuhayan. Gayundin, sa pamamagitan ng mga pagsasanay, madaragdagan ang kita ng mga lokal na mamamayan, mapayayabong ang industriya ng bila-bila, at mapalalakas ang turismo at ekonomiya ng probinsya. (RAMJR/AMKDA/KKB/PIA MIMAROPA – Marinduque)