Mga natatanging Lucenahin, pinarangalan ng Lucena City gov’t

LUCENA CITY (PIA) — Binigyang parangal ng pamahalaang lungsod ng Lucena ang mga “Natatanging Lucenahin” para sa kanilang kontribusyon, kahusayan, at kakayahan sa iba’t ibang larangan bilang bahagi ng selebrasyon ng Linggo ng Lucena.
 
Pinangunahan nina Lucena Council for Culture and Arts Head Luzviminda Calzado, Mayor Mark Alcala at Vice Mayor Roderick Dondon Alcala ang paggawad ng parangal para sa mga Natatanging Lucenahin ngayong taon.
 
Kabilang sa mga tumanggap ng parangal sina Fire Officer Jan Vincent Alba para sa larangan ng Government/Public Service; John Bunyan Calamigan III, DMD para sa Community Service; Paul Eric Roca para sa Visual Arts; Dr. Rowela Caperina sa Edukasyon; Edna Estifania Co, DPA sa Professional; Dr. Maria Delta Canela sa Medisina; at, Rozaldie Chua naman para sa larangan ng Business Entrepreneur, Trade and Industry.
 
Ang mga tumanggap ng parangal ay dumaan sa masusing pagsusuri at pagpili kung saan napatunayan na ang mga ito ay nakapag-ambag ng kanilang talino, galing at kakayahan sa kani-kanilang mga larangan.
 
Layon ng pagbibigay parangal na makilala ang mga kontribusyon ng mga Natatanging Lucenahin na silang mag-uudyok na linangin ang kahalagahan ng community service na siyang susi tungo sa paglago at pagiging progresibo ng highly-urbanized city tulad ng Lucena.
 
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Vice Mayor Alcala ang pagkakaroon ng marka para sa mga natatanging anak ng Lucena na matatagpuan sa heros lane sa Barangay Ilayang Iyam, gayundin ang nalalapit na pagkakaroon ng walk of fame para sa mga ito.
 
Ang pagpili ng  Natatanging Lucenahin ay isa sa mga pinaka-inaabangang aktibidad  tuwing sasapit ang selebrasyon ng Linggo ng Lucena.
 
Itinuturing itong pinakamataas na parangal na maaaring ibigay ng pamahalaang lungsod para sa mga Lucenahin. (Ruel Orinday-PIA Quezon/ ay ulat mula sa Lucena City PIO)

In other News
Skip to content