Mga negosyante, hinikayat na irehistro ang kanilang negosyo

BAGUIO CITY (PIA) — Muling hinikayat ng City Permits and Licensing Division ang mga business owners na irehistro ang kanilang mga negosyo.

Inihayag ni City Permits and Licensing Officer Allan Abayao na fully automated na ang proseso para sa mga bagong aplikante at para sa business renewal.

“Meron po tayong online application. Magla-log in lang po kayo sa ebpls.baguio.gov.ph. Doon po ang online application natin sa business permit para sa mga new applicants,” ani Abayao sa Ugnayang Panlungsod nitong Enero 11, 2023.

Para naman sa business renewal, maaari nang isagawa ang online assessment sa pamamagitan ng Baguio In My Pocket (www.baguioinmypocket.ph).

Si City Permits and Licensing Officer Allan Abayao sa ginanap na Ugnayang Panlungsod nitong Enero 11, 2023.

“Mag-register lang kayo sa Baguio In My Pocket and ‘pag successful ‘yung registration ninyo, lalabas po ang business tax assessment ninyo at ‘yun po ang dadalhin ninyo sa City Treasury Office for payment or if you want, you can pay online,” paliwanag ni Abayao.

Maaari din aniya ang online payment sa pamamagitan ng LandBank, GCash, Paymaya at iba pang digital platforms.

Tiniyak naman ni City Treasurer Alex Cabarrubias na inaayos nila ang mga sistema upang maging mas ‘friendly’ sa mga gagamit.

Sa ngayon ay binuksan ang Business One Stop Shop sa Baguio Fire Station kung saan, narito ang mga kinatawan ng City Planning Office, City Buildings and Architectures Office, City Health Services Office, City Environment and Parks Management Office, City Treasury Office at Bureau of Fire Protection upang mas mapabilis ang pagproseso ng business permit. Naroon din ang kinatawan ng ibang national offices gaya ng Bureau of Internal Revenue, Social Security Systm, PagIBIG, Securities and Exchange Commission  at PhilHealth. (JDP/DEG-PIA CAR)

In other News
Skip to content