LUCENA CITY (PIA) — Handa na ang mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng Quezon para sa pagbubukas ng klase sa Martes, ika-29 ng Agosto.
Sa programang Kapihan sa PIA-Quezon noong Agosto 23, sinabi ni Juvarta Tierra, school principal, na mahigit 1,700 estudyante ang nag-enroll sa kanilang paaralan.
Ayon pa kay Tierra, bagama’t may kakulangan pa din sa ibang pasilidad ang kanilang paaralan ay tiniyak niya na mapapalista ang mga nais pang mag-enroll hanggang bago magsimula ang pasukan.
“Nakiisa naman ang pamahalaang barangay na nakakasakop sa nasabing barangay gayundin ang mga magulang ng mga batang mag-aaral sa pamamagitan ng community service kagaya ng paglilinis at pagsasaayos ng mga pasilidad ng nasabing paaralan,” sabi pa ni Tierra.
Samantala, sinabi naman ni LE1 ES Brigada Eskwela Chairperson Maria Margarita De Gula na tinanggal na ang mga palamuti at iba pang visual materials na nakadikit sa loob ng classroom alinsunod sa kautusan ng Department of Education (DepEd).
Ayon pa kay De Gula, hindi lahat ng visual materials ay tatanggalin bagkus ay ititira ang ibang visual materials na kapakipakinabang sa mga estudyante alinsunod ito sa 2023 Brigada Eskwela Implementation Guidelines-DepEd Order #21 series of 2023.
“Nangangailangan pa din ng pintura ang kanilang paaralan na gagamitin sa pagpintura sa dingding dahilan sa ginawang pagbaklas ng visual materials at iba pang palamuti”, sabi pa ni De Gula.
Samantala, may 9,000 indibidwal na binubuo ng mga guro, estudyante, at mga volunteers ang nakiisa sa Brigada Eskwela sa Cabay National High School sa Tiaong, Quezon kamakailan.
Bahagi ng aktibidad ang paglilinis sa mga silid-aralan, pagpipintura ng mga gusali, at paglilinis ng mga pasilidad ng paaralan para sa pagbubukas ng klase sa darating na Martes.
Namahagi rin ng school supplies ang pamahalaang bayan ng Tiaong upang makabawas sa malaking gastusin ng mga magulang at matiyak na matuon sa pag-aaral ang mga bata.
Tiniyak din ni Tiaong Mayor Arjay Vincent Mea ang pagbibigay nito ng tulong-pinansiyal sa mga estudyante, pagbibigay suporta sa mga guro at pagtatayo ng mga karagdagang silid-aralan para sa maayos na pag-aaral ng mga kabataan.
Batay sa datos ng DepEd Calabarzon nitong Biyernes, Agosto 25, aabot na sa 3,265,523 ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro na mga mag-aaral para sa darating na taong panuruan. Magpapatuloy naman ang enrollment hanggang sa Agosto 26, 2023. (Ruel Orinday, PIA Quezon)