PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Pinag-iingat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) ang mga Palaweño sa sakit na Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) lalo na’t may ilang kaso na ang naitatala sa lalawigan.
Isa ang tungkol sa nasabing sakit sa mga tinalakay ni Provincial Health Officer Dr. Faye Erika Q. Labrador sa Arampangan sa Kapitolyo kamakailan.
Ayon kay Dr. Labrador ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na karaniwang nakikita sa mga bata lalo na sa mga may edad limang taong gulang pababa. Ito ay sanhi ng enterovirus at nagdudulot ng mapupulang butlig o sugat sa mga kamay, paa, bibig at maging sa lalamunan.
Ilan aniya sa mga dapat gawin upang maiwasan ang HFMD ay ang palagiang paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng kalinisan sa pangangatawan at kapaligiran; pagkain ng masusustansyang pagkain at pag-inom ng maraming tubig.
Nitong nakaraang mga linggo ay nakapagtala ng 52 kaso ng HFMD sa bayan ng Roxas, partikular sa Bgy. Magara ngunit hindi lahat sa mga ito ay active cases ayon kay Dr. Labrador.
Sinigurado naman ni Dr. Labrador ay nakapagsagawa na sila ng
mitigating measures para maiwasan ang pagkalat nito at patuloy ang ginagawang monitoring ng kanilang tanggapan upang tutukan ang kalusugan ng mga Palaweño.
Dagdag pa ng PHO Chief na nitong unang kuwarter ng taon ay nakapagtala na ang PHO ng 325 kaso ng HFMD sa buong lalawigan kasama na ang Lungsod ng Puerto Princesa ngunit naresolba na ang karamihan sa mga ito at nasa mahigit 20 na lamang ang aktibong kaso. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Faye Erika Q. Labrador, nitong unang kuwarter ng taon ay nakapagtala na ang PHO ng 325 kaso ng HFMD sa buong lalawigan kasama na ang Lungsod ng Puerto Princesa ngunit naresolba na ang karamihan sa mga ito at nasa mahigit 20 na lamang ang aktibong kaso. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)