Mga paraan sa pagbabayad ng mga kulang na kontribusyon, ibinahagi ng SSS

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Ibinahagi ng Social Security System o SSS ang mga pamamaraan upang mabayaran ng mga delinquent employer ang mga kulang na hulog o kontribusyon para sa mga empleyado.

Kabilang na riyan ang pagsali sa Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program na ipinatutupad base sa Circular No. 2022-021 ng SSS kung saan tinatanggal ang penalty sa mga kontribusyong hindi nabayaran mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2022.

Ayon kay SSS Luzon Central 1 Division Vice President Vilma Agapito, maaari ring piliin ng employer ang full payment o kaya ay mag-file ng installment proposal kung hindi kayang mabayaran ng buo ang mga kulang na kontribusyon o hulog para sa mga empleyadong miyembro.

Pahayag ni Agapito, ang mga pamamaraaang ito ay ipinaliliwanag ng SSS sa mga isinasagawang Run After Contribution Evaders Campaign na kung saan binibisita ng ahensiya ang mga establisimentong nakalilimot sa paghuhulog ng kontribusyon para sa mga nasasakupang empleyado.

Ipinaaalam ng SSS ang mga programang maaaring makuha ng mga delingquent employer upang sila ay matulungang makapag-comply at makaiwas na magkaroon pa ng kaso.

Nakasaad sa Batas Republika Bilang 11199 o ang Social Security Act of 2018 ang mga legal na responsibilidad ng mga employer tulad ang pagpaparehistro ng negosyo sa SSS, pagpapatala ng lahat ng mga kawani at regular na pagreremit ng tamang kontribusyon para sa mga empleyado.

Sa nakaraang taon ay nasa 73 establisimento ang napuntahan ng SSS Race Campaign sa buong Luzon Central 1 Division na nagresulta sa pagkakakolekta ng humigit 5.7 milyong pisong halaga na mga kontribusyong hindi agad nabayaran ng mga employer. (CLJD/CCN-PIA 3)

Ibinahagi ni Social Security System Luzon Central 1 Division Vice President Vilma Agapito ang mga pamamaraan upang mabayaran ng mga delinquent employers ang mga kulang na kontribusyon at hulog para sa mga empleyado. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

In other News
Skip to content