LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Isinagawa ang Roxas Farmers’ Forum na may temang “Ugnayan ang Unang Hakbang Tungo sa Masaganang Pagsasaka” na dinaluhan ng 100 magsasaka sa bayan ng Roxas, Oriental Mindoro noong Setyembre 26.
Pinangunahan ng Mindoro Business Council at Mindoro Outstanding Ventures and Enterprises (MOVE) ang naturang gawain na pinamumunuan ni former Energy Secretary Alfonso G. Cusi.
Layunin ng isinagawang Roxas Farmers’ Forum na mabigyang pagkakataon ang mga magsasaka na maipahayag ang kani-kanilang mga saloobin at ang kinakaharap na isyu pagdating sa kasalukuyang estado ng agrikultura sa naturang bayan.
Maaari din na mabigyan solusyon ang mga suliranin ng mga ito sa pamamagitan ng pagtutuwang ng iba’t-ibang mga konsernadong ahensiya at mga indibidwal.
Nagsilbi namang resource speakers sina Provincial Agriculturist Christine Pine; Municipal Agriculturist Nerissa Gutierrez, kinatawan ng National Food Authority (NFA) Roxas; at owner ng Gabutero Farm na si Nelson Gabutero. Tagapagpadaloy naman ng programa si Dr. Din Mabanta ng MOVE.
Sinundan naman ang talakayan ng mga magsasaka sa pagitan ng mga mangingisda na may temang “Ugnayan ang Unang Hakbang Tungo sa Masaganang Pangingisda” noong Setyembre 27.
Pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Roxas sa pangunguna ni Mayor Leo Cusi ang naturang gawain sa pakikipagtuwang nito sa MOVE at Roxas Chamber of Commerce and Industry.
Ang mga pribadong samahan ay naniniwala sa kakayahan ng sektor ng agrikultura at pangisdaan na makaambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bayan ng Roxas. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)
Daan-daang magsasaka at mangingisda ang nagpahayag ng kanilang mga saloobin hinggil sa kasalukuyang hinaharap na mga hamon sa kani-kanilang mga kabuhayan sa bayan ng Roxas. (Larawan mula kay Jj Sugay)