LUCENA CITY (PIA) — Pormal nang binuksan ng Department of Trade and Industry (DTI)- Quezon Provincial Office ang “Kalakal Quezon FUNTASTIC Summer with CocaNut” trade fair sa Ground Floor, Mall Atrium, SM City Lucena nitong Mayo 25 na magtatagal hanggang Mayo 31.
Dito ay hinikayat ni DTI Quezon Provincial Director Julieta Tadiosa ang mga Quezonian na tangkilikin ang mga lokal na produkto gaya ng kape, mga produktong mula sa cacao, niyog at iba pang mga produktong agrikultura.
Ayon kay Tadiosa, kakaiba ang pagsasagawa nila ng Kalakal Quezon ngayong taon dahilan sa pinagsama-sama nila ang tatlong mahahalagang industriya sa lalawigan na kape, kakaw at niyog.
“Malaking tulong po sa ating mga magsasaka at maging sa mga exhibitors kung bibili at tatangkilikin natin ang mga produktong nakatinda dito sa “Kalakal Quezon”, sabi pa ni Tadiosa
Inihayag naman ni Quezon Provincial Agriculturist Dr. Liza Mariano na nais ni Governor Helen Tan na higit na mapaunlad ang industriya ng lambanog at coco-sugar sa lalawigan kung kaya’t nagsagawa ang pamahalaang lokal ng Quezon ng ‘road mapping’ para tutukan ang industriya ng pagniniyugan.
Kasabay nito, inimbitahan din ni Mariano ang mga dumalo sa pagbubukas ng Kalakal Quezon sa darating na “Niyugyogan Festival” kung saan ay makikita at mabibili rin dito ang mga produktong agrikultura sa darating na Agosto 2023.
Samantala, kabilang sa mabibili sa Kalakal Quezon ay kape, tsokolate, virgin coconut oil, handicrafts at iba pang local products na mula sa kape, kakaw at niyog.
May 21 exhibitors mula sa micro, small, medium enterprises sa lalawigan ang kasali sa Kalakal Quezon. (Ruel Orinday-PIA Quezon)