Mga programang pang-nutrisyon, paiigtingin sa Batangas City

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Tinututukan ngayon ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang pagpapalakas sa implementasyon ng mga programang pang-nutrisyon sa lungsod.

Sa isinagawang pagpupulong ng Batangas City Nutrition Council, sinabi ni Mayor Beverley Rose Dimacuha na dapat sa pagbubuntis pa lamang ng mga ina ay itinuturo na ang wastong nutrisyon upang masiguro ang kalusugan ng mga bata.

“Isa sa mga dapat ituro sa mga magulang ang paghahanda ng tama at masustansyang pagkain para sa kanilang mga anak at ituro ang pag-iwas sa mga hindi masustansyang pagkain tulad ng mga de-lata at colored drinks,” ani Dimacuha.

Bukod sa pagkain ng masustansya, ipinaalaala rin nito ang pagtuturo sa mga bata ng palagiang paghuhugas ng kamay, hindi lamang bago at pagkatapos kumain lalo’t higit ay pagkatapos gumamit ng banyo.

Sa ulat ni City Nutrition Officer Eva Mercado, patuloy ang kanilang isinagawang mga lecture ukol sa wastong nutrisyon sa mga barangay, paaralan at maging sa Early Child Care Development Center (ECCDC).

Nakikipag-ugnayan rin sila sa mga ito para sa iba pang nutrition activities at maging sa pagsasagawa ng deworming ng mga bata. Ipinaalam din ni Marianne Medina, school nurse mula sa Department of Education (DepEd) na nagkaroon sila ng 120-day feeding program noong nakaraang school year.

Nakatakda namang isagawa sa pagbubukas ng klase ang 175-day feeding program para sa mahigit 5,000 mag-aaral na kabilang sa wasted at severely wasted status.

Iminungkahi ni City Administrator, Engr. Sonny Godoy na magsagawa rin ng nutrition seminar para sa magulang at magbuo ng mga istratehiya para mahikayat ang mga bata na kumain ng prutas at gulay.

Samantala, tinalakay rin sa naturang pagpupulong ang Philippine Plan of Action for Nutrition ng lungsod ng Batangas.

Nakapaloob dito ang apat na PPAN Outcome Result Areas kagaya ng Healthier Diets, Better Nutrition Practices Improved Access and Quality Nutrition Services at Enabling Environment.

Kasama rin dito ang mga programa, proyekto at mga gawain para matiyak ang isang malusog na komunidad. (MPDC/PIA-Batangas)

In other News
Skip to content