LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Nakipagdayalogo kamakailan si Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary James Layug sa mga magsasaka sa bayan ng Bulalacao upang talakayin ang mga proyekto at programa na inilaan ng gobyerno para sa sektor ng agrikultura.
Sa nasabing aktibidad, sumentro ang talakayan sa kung papaano maibebenta ang mga inaning sibuyas sa merkado. Ang pahayag ng kalihim ay dapat direkta ang pakikipag-ugnayan ng magsasaka sa mga konsyumer tulad ng malalaking kainan, hotel at iba pa na ang maitutulong lamang ng kagawaran ay ang maghanap ng mga mamimili.
Ikalawang tinalakay ay ang market capital o ang pagbibigay ng puhunan sa lokal na pamahalaan. Bibilhin ng LGU ang mga inaning sibuyas na may mataas na presyo ng sa ganito anyang paraan ay mapapanatili ang halaga ng sibuyas sa merkado.
Samantala, napag-usapan rin ang iba’t-ibang produkto ng nasabing bayan na mataas din ang pangangailangan sa pamilihan tulad ng luya, ube, maging ang gawain ng pagni-niyog at babuyan. (DN/PIA-OrMin/PIO-Bulalacao)
Personal na nakipagdayalogo si Department of Agriculture Assistant Secretary James Layug sa mga magsasaka ng Bulalacao upang pag-usapan ang mga proyekto, programa at pamamaraan ng kagawaran katuwang ang lokal na pamahalaan para makatulong sa pagbebenta ng mga inaning produkto ng sibuyas, luya, ube at iba pa. (Larawan kuha ng PIO-Bulalacao)