Mga residente ng Brgy. Bagacay sa Marinduque nakinabang sa Konsulta package ng PhilHealth

BOAC, Marinduque (PIA) — Aabot sa 200 residente ng Brgy. Bagacay sa bayan ng Buenavista, Marinduque ang nakinabang sa Konsulta Package ng PhilHealth sa pamamagitan ng Barangay Forum ng Philippine Information Agency (PIA) Marinduque.

Ang Konsulta Package ay pinalawak upang isama sa pagsusuri ng kalusugan, konsultasyon, mga pagsusuri sa laboratoryo, at mga gamot na inirekomenda ng kanilang doktor.

Ito rin ay isang komprehensibong benepisyo sa out-patient ayon sa mandato ng Universal Health Care Law.

Sa pangunguna ni PhilHealth-Marinduque Local Health Insurance Office (LHIO) branch head Joylyn T. Manrique, ibinahagi ng PhilHealth ang programang Konsultasyong Sulit Tama (KonSulTa) sa mga residente upang mas mailapit sa mga ito ang mga benepisyong pang-medikal.

“Lahat ng Pilipino ay maaaring makagamit ng PhilHealth Konsulta. Kailangan lamang magparehistro sa isang PhilHealth-accredited Konsulta Package Provider (KPP) para magamit ang benepisyo,” sabi ni Manrique.

Upang makarehistro, maaari lamang nabumisita sa PhilHealth Member Portal account https://memberinquiry.philhealth.gov.ph/member/ at i-click ang ‘Konsulta,’ at pumili lamang ng isang KPP kung anong gustong benepisyo.

Dagdag pa ni Manrique, nasa 87 porsyento ng populasyon na 246,699 ng lalawigan ng Marinduque ang kasalukuyang kasapi ng PhilHealth.

Bukod sa naturang barangay ay nakatakda rin nilang puntahan ang iba pang barangay sa nasabing bayan sa mga susunod pa na Sabado para maihatid ang serbisyo mula sa kanilang tanggapan. (DN/PIA MIMAROPA-Marinduque)

In other News
Skip to content