Mga residente ng Calaguas, Vinzons, tumanggap ng ayuda mula sa PNP at LGU

DAET, Camarines Norte, Pebrero 27 (PIA) – Tumanggap ng tulong at ayuda ang mga residente mula sa  isla ng Calaguas ng Barangay Banocboc, Vinzons mula sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) at pamahalaang panlalawigan.

Ito ay bahagi sa paggunita ng ika-37 EDSA People Power Revolution noong Biyernes, Pebrero 24.

Ito ay sa pamamagitan  ng isinagawang mga serbisyo mula sa pamahalaan katulad ng caravan, medical at dental mission, operation tuli at outreach program sa ilalim ng proyektong Alay sa Kabarangay ng Pulis (Project AKAP).

Ang naturang gawain ay pinangunahan nina CNPPO Provincial Director PCol. Antonio C. Bilon Jr. katuwang ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Ricarte Padilla, Provincial Health Office (PHO), LGU Vinzons, kapulisan Vinzons Municipal Police Station (MPS) at Camarines Norte 1st Provincial Mobile Force Company.

Ang Project AKAP ay naaayon sa Chief PNP Peace and Security Framework na Malasakit, Kaayusan at Kapayapaan Tungo sa Kaunlaran (M+K+K=K) sa pamamagitan ng Revitalized PNP KASIMBAYANAN na naglalayong pagmalasakitan ang mga kababayan at maihatid ang tulong na kanilang kailangan.

Ayon kay CNPPO Provincial Director PCol. Bilon, hindi hadlang ang sama ng panahon upang maihatid ng mga kapulisan katuwang ang pamahalaang panlalawigan ang tulong ng gobyerno para sa mga kababayang nangangailangan.

Aniya, makakaasa ang mga komunidad sa patuloy na pagbibigay ng tulong at kalinga ng pamahalaan kaagapay ang mga kapulisan na may malinis na hangarin para sa ikauunlad at ikagagaan ng pamumuhay ng karamihan sa mga kababayan.

Sa bahagi ng palatuntunan, nagpaabot ng mga mensahe sina Governor Padilla at ang hepe ng Vinzons MPS na si PMaj. Arkhemedes C. Garcia.

Ipinamahagi naman ang mga food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang mga pangunahing pangangailangan kasama na ang mga libreng gamot bilang ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng kanilang Serbisyo Caravan Program.

Nagsagawa rin ng feeding program ang mga kapulisan para sa mga dumalo lalo na sa mga batang nakatanggap ng mga serbisyo ng gobyerno.  (PIA5/Camarines Norte/ ulat mula sa tanggapan ng CNPPO).

In other News
Skip to content