LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Sinamantala ng mga residente ng Victoria ang isinagawang SIM Registration sa kanilang lugar na ipinatutupad ng National Telecommunications Commission (NTC-4B) na siyang una sa tatlong araw na aktibidad sa lalawigan na isinagawa sa Victoria Municipal Gymnasium katuwang ang mga Public Telecommunications Entities (PTEs) na Globe, Smart at DITO.
Ayon sa kinatawan ng NTC na si Engr. Alvin Ganzon, “Ginagawa namin ito sa mga bayan-bayan sa ating lalawigan para makatulong sa mga Mindoreño na hirap iparehistro ang kanilang Subscriber Identity Module (SIM) Card sa kanilang mga telecommunication companies (Telcos) gayundin para sumagot sa mga katanungan ng ating mga kababayan tungkol sa batas na ito, ang SIM Registration Act.”
Dagdag pa ng kinatawan, magdala lamang ng isang valid ID o anumang pagkakakilanlan na inisyu ng gobyerno bago pumunta sa lugar, at kung ang magpaparehistro ay edad 18 pataas at wala pang valid ID, maari anyang kumuha ng barangay certificate at pagkatapos ay lakipan ng bagong larawan at saka ito kuhanan ng litrato na siyang kailangan sa pagpaparehistro.
Sa mga menor de edad, ang pangalan ng magulang o bantay ang siya munang irerehistro sa gamit nitong SIM card at kapag sumapit na ang hustong gulang na 18 ay maari ng ilipat ang pangalan mula sa magulang patungo sa anak.
Matapos ang gawain sa Victoria ay tutulak naman sa ikalawang araw ang grupo sa bayan ng Pola at sa ikatlong araw sa Socorro Municipal Gymnasium para isagawa ang kahalintulad na aktibidad.
Magugunita na unang inilunsad ang SIM Registration sa rehiyon sa Sta. Rosa 1 Baco na sinundan ng Naujan sa Oriental Mindoro, gayundin sa mga lalawigan ng Gasan Marinduque, Sablayan Occidental Mindoro at sa Alcantara, Looc at Odiongan sa Romblon habang nakatakda na rin itong gawin sa darating na Marso sa Palawan sa mga bayan ng Narra, Aborlan at Puerto Princesa City. (DN/PIA-OrMin)