LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Nananawagan ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng BARMM sa mga senior citizen sa iba’t ibang lugar sa rehiyon na mag-apply sa Social Pension (SocPen) at centenarian program.
Ayon sa MSSD, upang maging kwalipikado sa SocPen, ang mga aplikante ay dapat 60 taong gulang o higit pa, may sakit o may kapansanan, walang permanenteng suporta mula sa pamilya o kamag-anak, at hindi tumatanggap ng anumang pensiyon mula sa gobyerno.
Kabilang sa mga kinakailangang dokumento ay birth certificate, Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ID, certificate of indigency, at isang buong larawan na may hawak na kalendaryo ng kasalukuyang taon at buwan.
Ang SocPen ang nagbibigay daan upang mabigyan ng tulong pinansyal ang mga senior citizen na nagkakahalaga ng P6,000 kada taon o katumbas ng P500 kada buwan.
Samantala, para maging kwalipikado sa centenarian program, kinakailangan na ang isang senior citizen ay isang Pilipino, naninirahan sa Pilipinas o ibang bansa, at dapat na umabot sa edad na 100 na taon.
Base sa datos ng MSSD, noong nakaraang taon ay abot sa 23 centenarians ang nakabenepisyo sa nasabing programa kung saan sila ay tumanggap ng tig P100,000 bawat isa. (With reports from Bangsamoro Government)