Mga service vehicles at dump trucks, ipinagkaloob ng Pamahalang Panlalawigan ng Or. Mindoro


Mga opisyales ng Barangay Batuhan, Pola, Oriental Mindoro sa isinagawang pormal na pagkakaloob ng service vehicles para sa mga BHERT at dump trucks ng Pamahalaang Panlalawigan.

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Nasa 153 service vehicles para sa mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) mula sa iba’t-ibang bayan ng probinsya ng Oriental Mindoro ang pormal na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong araw, Enero 30, sa Sentrong Pangkabataan, Brgy. Sta. Isabel, Calapan City.

Libong opisyales ng mga barangay ang dumalo sa gawain upang personal na saksihan ang pagtupad sa naunang pangako ni Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa mga ito.

Naging malaki ang pasasalamat ng mga opisyales na dumalo sa naturang gawain; ani Brgy. Batuhan, Pola Kagawad Alexis Bague, napakalaking tulong ng mga service vehicles sa kanila. Isang halimbawa na lamang aniya ay ang paghahatid at sundo sa mga pasyente ng kanilang barangay na nagmumula pa sa malalayong lugar o hindi naman kaya ay mga pamilyang walang kakayahan na makapagbayad ng transportasyon patungo sa mga ospital o klinika sa kanilang bayan. Bilang ang kanilang barangay ay isang agrikultural na lugar; humihiling din ang mga ito ng karagdagang tulong sa pamahalaan upang mapagkalooban ang mga mamamayan sa kanilang nasasakupan ng mga gamit sa pangingisda at pagsasaka upang mabigyang pagkakataon ang mga mamamayan na makapag hanap-buhay.

“Sa katulad naming barangay, kami ay nasa dulo na ng Naujan, at kami po ay napaka layo na sa bayan kung kaya’t ang pagkakaroon ng service vehicle ay malaking adbentahe upang maisagawa namin ng mas mabilis ang aming mga tungkulin”, ani Noel Mangundayao, Brgy. Secretary ng Masagana, Naujan.

Bukod sa mga service vehicles, nagkaloob din ang Pamahalaang Panlalawigan ng pitong (7) dump trucks sa mga barangay ng Bacungan at Papandayan sa bayan ng Pinamalayan; Poblacion, Bongabong; Maliwanag, Mansalay; at mga barangay ng Campasaan, Maujao, at Milagrosa ng bayan ng Bulalacao. Malaking katulungan ang mga dum trucks sa panahon ng pangangailangan at mga hindi inaasahang pangyayari sa mga nabanggit na mga barangay at mga kalapit na lugar ng mga ito. (JJGS/ PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content