Mga stakeholders ng DSWD nagbahagi ng mga serbisyo sa quarterly Provincial Inter-Agency Committee meeting

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Isinagawa kamakailan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Quarterly Provincial Inter-agency Committee Meeting at Provincial Intervention Caravan kaisa ang kanilang mga stakeholders upang ipahayag ang mga serbisyo sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ito ay ginanap sa Brgy. Sta. Maria Village sa lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro.

Ayon kay Social Welfare Officer IV/Provincial Link Maridel Rodriguez, kanilang inimbitahan ang mga katuwang nila mula sa national government agencies, local government units at civil society groups upang ipahayag ang kanilang mga serbisyo na maaring mapakinabangan ng mga miyembro.

Nasa humigit-kumulang 140 na kasapi ang dumalo, kung saan ay kanilang tinanong ang mga ahensiya na kinabibilangan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Oriental Mindoro, Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), PhilHealth, Provincial Public Employment Service Office (PESO), Department of Labor and Employment (DOLE) Oriental Mindoro, Philippine Information Agency (PIA) Oriental Mindoro, at marami pang iba tungkol sa mga serbisyo na nais nilang makuha sa ahensiya.

Isa sa mga ahensya na nagbahagi ay ang DOST, kung saan hinikayat ni Provincial Officer Jesse Pine, ang mga magulang na i-apply nila ang kanilang mga anak sa libreng DOST training at scholarship programs at samantalahin ang mga pagkakataong ipinagkakaloob ng pamahalaan.

Ang mga kwalipikado sa kanilang programa ay yaong mga mag-aaral na may general average na 83 pataas na nasa ikaanim na baytang at STEM program ng DepEd.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga miyembro dahil natugunan ng mga ahensiya ang kanilang mga kailangang impormasyon para makakuha ng serbisyo partikular sa usaping trabaho, benepisyo at libreng pag-aaral. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content