Mga sundalo at grupo ng CPP-NPA, nagka-engkwentro sa Bongabong

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Sa tulong ng mga konsernadong residente, natunton ng mga sundalo ng pamahalaan ang pinagkukutaan ng mga rebeldeng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) sa Sitio Pastuhan, Barangay Tawas sa bayan ng Bongabong, kung saan ay nagkaroon ng engkwentro kamakailan.

Sa ulat ng 76th Infantry (VICTRIX) Battalion ng Philippine Army sa ilalim ng 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade, tinatayang nasa 15 rebelde mula sa grupong Komiteng Larangan Gerilya Ignacio Claveria Magadia, Sub-Regional Military Area, 4D Southern Tagalog Regional Party Committee (KLG ICM, SRMA, 4D, STRPC) na pinamumunuan ni Mean Dela Cruz alyas “Ida” ang kanilang nakasagupa na siya din hinihinalang pumatay sa isang sundalo na katutubong Mangyan sa Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro kamakailan.

Narekober sa pinagkutaan ng mga rebelde ang tatlong matataas na kalibre ng armas, dalawang M16 Rifle at isang M203 Grenade Launcher, dalawang improvised explosive device (IED), mga magazine ng iba’t-ibang kalibre ng baril, mga bala, tatlong cellphone, isang bandolier, mga personal na kagamitan at subersibong dokumento.

Matapos ang naturang engkwentro, wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa magkabilang panig at maituturing ng mga sundalo na maayos ang nasabing operasyon.

Samantala, panawagan naman ng bagong pinuno ng 203rd Infantry Brigade na si Brig. Gen. Randolph G. Cabangbang sa mga rebeldeng grupo na sumuko na.

“Nananawagan ako sa mga natitira pang miyembro ng teroristang CPP-NPA na isuko na ang inyong mga armas at mamuhay ng payapa upang makasama ang inyong mga mahal sa buhay, mayroong Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ang gobyerno na naghihintay para sa inyo at maging bahagi sana kayo ng solusyon sa mga problema na kinakaharap ng ating bansa,” sabi ni Cabangbang.

Dagdag pa nya “Nais ko ring tiyakin sa publiko na patuloy kaming magiging aktibong kasapi ng mga lokal na pamahalaan at mamamayan sa pagtupad ng mga hangarin ng aming Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict o PTF-ELCAC.” (DN/PIA-OrMin/Story and photo 76IB)

In other News
Skip to content