Mga transport workers sa Palawan, napagkalooban ng training sa ilalim ng Tsuper Iskolar Program


Sumailalim ang mga miyembro at dependents mula sa iba’t-ibang transport groups sa Palawan sa mga pagsasanay sa kursong Electrical Installation and Maintenance NC II at Bread and Pastry Production NC II sa ilalim ng programang Tsuper Iskolar ng DOTr at TESDA.

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Napagkalooban ng libreng skills training, skills assessment at entrepreneurship training ang mga benepisyaryo ng Tsuper Iskolar Batch 1 sa probinsya ng Palawan matapos buksan ang 30 slots para sa naturang programa kamakailan. Ilan lamang sa ipinagkaloob na pagsasanay ay ang mga kurso sa Electrical Installation and Maintenance NC II at Bread and Pastry Production NC II na pinamahalaan naman ng Jesus the Divine Son Academy (JEDSAI) at Puerto Princesa School of Science and Technology, Inc., kapwa mga Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Accredited schools.

Ang Tsuper Iskolar ay isang programang magkakatuwang na inilunsad ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at TESDA na naglalayong bigyan ng dagdag kasanayan ang mga nasa sektor ng transportasyon at mga dependents ng mga ito na magagamit nila sa pagpapaunlad ng kani-kanilang kabuhayan. Magagamit din ang naturang kasanayan sa panahon na mahina ang kita sa kanilang pamamasada o di kaya pag nagkaroon ng mga di inaasahang mga pangyayari katulad ng naging epekto ng pandemyang Covid-19 noong unang bahagi ng 2020 kung saan halos ilang linggo rin natigil ang lahat ng uri ng transportasyon sa bansa. Bagay na nagkaroon ng negatibong epekto sa kabuhayan ng mga ito.

Ilan lamang sa mga transport group at cooperatives na lumahok sa naturang pagsasanay ay mula sa Tagburos Transport Cooperative (TTC); Sta. Monica Transport Cooperative, Sta. Lourdes Transport Cooperative; PSU City Hall City High Jeepney Transport Cooperative, New Palawan PUV Transport Group Corporation, at Jeepney and Multicab New Terminal Operators and Drivers Transport Cooperative.

Bukod sa dagdag kaalaman at kasanayan na ibinahagi ng TESDA sa mga miyembro ng transport groups; pinagkalooban din ang mga ito ng allowance na nagkakahalaga ng Php350 kada araw ng kanilang pagsasanay, gayundin, mayroon din ang mga ito na uniform allowance at Covid-19 kit and accident insurance na kapwa nagkakahalaga ng Php500.

Nakatakda naman isagawa ang Batch 2 ng Tsuper Skolar sa mga susunod na mga araw. (JJGS/PIA MIMAROPA)

Larawan sa taas mula sa LTFRB IV-B page.

In other News
Skip to content