Sa gitna ng pagdagsa ng higit 38,000 na botante sa Tenement Elementary School sa Taguig City, ang ika-anim na paaralang may pinakamaraming botante sa National Capital Region (NCR), naging malaking katuwang ang mga volunteer sa pagpapadali ng pagboto ngayong araw, May 12.
Kabilang sa mga naglaan ng kanilang oras ay si Klarysse Lualhati, first-time volunteer mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Tulad ng iba pang mga volunteer, ang pangunahin niyang layunin ay ang matulungan ang mga botante na mahanap ang kanilang mga presinto nang mabilis at walang pagkalito.
“Kaya ko din po ginusto na magvolunteer dito para makapagcontribute din po ako in my own little way. Para ma-assist din po yung mga kababayan natin na gusto pong mapabilis o mapadali ‘yong kanilang pagpila,” aniya.
Nagsidatingan ang mga volunteer sa Tenement Elementary School bago pa man sumikat ang araw ng mga alas-5 ng umaga. Sinimulan ang kanilang tungkulin at nananatili sa paaralan hanggang sa matapos ang botohan upang tulungan ang bawat botanteng nangangailangan ng gabay.
Maituturing na ang presensya ng mga volunteer tuwing halalan ay malaking ginhawa para sa mga botante. Sa dami ng tao at sa pagkakaroon ng iba’t ibang presinto, ang kanilang tulong sa pagbibigay ng direksyon at impormasyon ay naging susi upang maiwasan ang pagkalito ng mga botante. (GLDG/PIA-NCR)