LUNGSOD NG LUCENA, Quezon (PIA)- Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan sa pagitan ng mga opisyal ng Southern Luzon State University (SLSU- Lucban) at Quezon Medical Center (QMC) noong Pebrero 1 para sa pagtatayo ng College of Medicine base hospital sa nasabing paaralan o SLSU.
Ang paglagda sa MOA na idinaos sa tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ay pinangunahan nina Quezon Gov. Angelina “Helen” Tan kasama sina QMC Chief of Hospital Dr. Juan Eugenio Fidel Villanueva, QMC Chief of Clinics Dr. Ramon Carmona, SLSU President Doracie B. Zoleta-Nantes PhD. at SLSU Vice-President for Academic Affairs Dr. Gondelina A. Radovan.
Sa pamamagitan ng kasunduan ay opisyal ng magkatuwang ang dalawang institusyon kasama ang pamahalaang panlalawigan sa pagsasanay at paghuhubog ng mga magiging doctor at espesyalista sa lalawigan ng Quezon.
Ayon kay Governor Tan, unti-unti nang nagkakaroon ng katuparan ang kanyang ninanais na magkaroon ng homegrown doctors sa Quezon.
“Bibigyan natin ng pagkakataong makapag aral ng medisina ang mga bata mula sa malalayong lugar sa ating probinsya. Kung sa siyudad lamang dumarami ang doktor at hindi sa iba pang parte ng lalawigan, hindi mareresolba ang problema, hindi gaganda ang sitwasyon, at hindi magkakaroon ng pag-unlad sapagkat malaking factor ito sa ekonomiya ng isang lugar,” sabi pa ni Tan
Aminado ang gobernadora na hindi madali ang tatahakin sa hangaring ito ngunit sa patuloy na pagtutulungan at pagbabalikatan ay makakamtan ang pangarap na kagalingan sa lalawigan.
Matatandaan, ang pagkakaroon ng College of Medicine sa SLSU ay isinulong ni Governor Tan noong siya pa ang kinatawan ng ikaapat na distrito ng Quezon at tumayong Chairperson ng Committee on Health sa Kongreso at sa pamamagitan nito ay maipapatupad na ang batas na pangunahin niyang inakda sa Kongreso na “Doktor Para sa Bayan Act” kung saan makakatanggap ng full scholarship ang mga deserving na bata na gustong maging doktor.
Ngayong taong ito ay naglaan ang nasyonal na pamahalaan ng P111M pondo para sa SLSU College of Medicine at inaasahang magbubukas sa Agosto 2023. (RMO/PIA Quezon)