LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Napag-alaman sa isinagawang hearing ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change na ang lumubog na MT Princess Empress ay walang kaukulang Certificate of Public Convenience (CPC) na ini-isyu ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Bukod dito, ay nakaligtaan na beripikahin ng Philippine Coast Guard (PCG) ng pagkakaroon ng naturang sertipiko na isa sa mga pangunahing dokumentong kinakailangan bago bumiyahe ang anumang uri ng sasakyang pandagat.
Dagdag naman ni Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Atty. Hernani Fabia, wala ring kaukulang permit to operate ang naturang barko kung kaya’t hindi dapat ito pinapahintulutan bumiyahe. Sa kabuoan ay nakapagbiyahe na ang MT Princess Empress ng siyam (9) na beses; bagay na kinuwestyon ng mga senador sa pamunuan ng naturang oil tanker dahil sa kakulangan ng mga permiso ng paglalayag.
Bukod naman sa kakulangan ng CPC, napag-alaman din na mayroon pang kakulangan na pitong (7) dokumento o sertipiko na kinakailangan bago maglayag ang MT Princess Empress sa isinagawang pagtatanong ni Senator Chiz Escudero sa may ari ng oil tanker.
Samantala, naglabas naman ng hinaing si Oriental Mindoro Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa kakulangan ng komprehinsibo at malinaw na plano hinggil sa nangyaring insidente. Ani ng gobernador’ kinakailangang mayroon namumuno sa pangkalahatang operasyon patungkol sa oil spill, dahil aniya, ito ay isang multi-faceted na pangyayari. Ito naman ay sinegundahan ni Senator Loren Legarda.
Inaasahan naman na sa mga susunod pang mga araw ay magkakaroon na ng kalinawan kung sino ang mamumuno sa operasyon kontra oil spill sa Oriental Mindoro at upang maagapan na rin ang paglawak ng pinsala nito sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan sa mga karatig na mga lalawigan at rehiyon. (JJGS)