LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nakakadagdag sa pagpopondo ng mga serbisyong pampubliko ng gobyerno ang nakokolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Bawat piso na nakokolekta ng BIR ay nakakadagdag sa pagpopondo sa serbisyong pampubliko ng gobyerno tulad ng edukasyon, kalusugan, infrastructure at iba pang social services program,” ayon kay Atty. John Rainier T. Camba, assistant revenue district officer ng Revenue District Office No. 36.
Ngayong 2024, ang Annual Tax Collection Goal ng BIR-RDO No. 36 na sumasakop sa lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa ay P4,615,779,000 at as of September 30, 2024 ay nakakolekta na sila ng kabuuang buwis na umaabot sa P3,529,896,769.62 o katumbas ito ng 76.47 porsiyento ng kanilang target tax collection.
Sinabi ni Camba sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ngayong Oktubre 7 na ang malaking bahagi ng buwis na kanilang nakolekta ay mula sa industrya ng konstruksiyon, industriya ng turismo tulad ng mga resort at power generations gayundin ang remittances ng mga government agencies.
Sa ulat ng BIR-RDO No. 36, may kabuuang 48,374 total business taxpayers mayroon sa Palawan at Puerto Princesa kung saan 32,500 sa mga ito ang active, 15,433 ang inactive, 421 ang nagsara at 20 naman ang nagkansela.
Samantala, sa kabuuang 32,500 na active business taxpayers sa Palawan at Puerto Princesa, pinakamarami dito ang individual taxpayers na umaabot sa bilang na 26,621 at 5,879 naman ang non-individual taxpayers.
Bagama’t hindi nakamit ng BIR-RDO No.36 ang kanilang dapat makolektang buwis noong taong 2022 at 2023, umaasa naman si Camba na makakamit ngayong 2024 ang dapat makolektang buwis dahil 23.53 porsiyento na lamang ito ng kanilang collection goal at as of September 30 ay lumabis na ito ng 2.54 porsiyento sa dapat makolektang buwis. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)