Nasirang automatic ID system ng Baltazar Lighthouse, inayos ng PCG

GASAN, Marinduque (PIA) — Pasado 7:59 ng umaga noong Biyernes, Disyembre 22 nang dumaong ang sinasakyang speedboat ng mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) Weapons, Communications, Electronics, and Information Systems Command (CGWCEISC) kasama ang mga miyembro ng PCG Gasan Substation at PCG Auxiliary (PCGA) 510 Squadron sa isa sa itinuturing na ‘uninhabited island’ ng Marinduque — ang isla ng Baltazar.

Ang kanilang pakay, ayusin ang nasirang automatic identification system (AIS) ng Lighthouse Aboard Baltazar Island na matatagpuan sa bayan ng Gasan na halos limang buwan ng hindi gumagana matapos masira bunsod ng mga nagdaang kalamidad.

“Pinalitan natin ang mga kable, connector, baterya gayundin ang sim card ng AIS. Ginawa natin itong LTE o Long-Term Evolution para malakas ang bato ng signal sa National Coast Watch Center (NCWC) sa Maynila,” pahayag ni Coast Guard Petty Officer Second Class Raymond Eusebio, tumatayong team leader ng grupo.


Ang technical team ng Philippine Coast Guard Weapons, Communications, Electronics, and Information Systems Command habang inaayos ang automatic identification system ng Baltazar Lighthouse sa Gasan, Marinduque. (Aerial shot ni Abdullah Ismael Magdalita, Marinduque News)

Ipinaliwanag naman ni PCG Gasan Substation Commander Denmark Cueto na mahalaga na maisayos ang AIS ng Baltazar Lighthouse sapagkat ito ang nagpapadala ng impormasyon sa NCWC hinggil sa mga detalye o pagkakakilanlan ng mga barkong dumaraan malapit sa isla.

“Importante na ayusin natin ang communication system ng parola dito sa isla ng Baltazar para mamonitor natin ang lahat ng mga barko, international o inter-island vessel na dumaraan sa ating area of responsibility lalo na dito sa Marinduque, na kinukonsidera bilang heart of the Philippines kung saan dito sa atin ay mataas ang maritime traffic,” saad ni Cueto.

Dagdag ng hepe ng PCG Gasan Substation, bukod sa Maritime Mobile Service Identities (MMSI), malaking tulong din aniya sa mga ordinaryong mangingisda ang pagkakaroon ng parola sapagkat ito ang nagsisilbing reference point o palatandaan kapag naliligaw ang mga ito lalo kapag masama ang panahon.


Aerial shot ng Lighthouse Aboard Baltazar Island sa Gasan, Marinduque (Larawang kuha ni Abdullah Ismael Magdalita, Marinduque News)

Samantala, habang isinagawa ang pagsasaayos ng naturang automatic identification system ay tulung-tulong namang naglinis sa paligid ng Baltazar Lighthouse ang mga volunteer mula sa PCGA.

Ang Lighthouse Aboard Baltazar Island na itinayo noong 1900 ay isa sa limang parola na mayroon sa Marinduque kung saan ito ay natatangi sapagkat ‘unmanned’ o hindi ito kinakailangang bantayan araw-araw ng isang lighthouse keeper dahil pinagagana ito ng mga makabagong equipment na ginagamitan ng solar-power. (RAMJR/PIA Mimaropa – Marinduque)

In other News
Skip to content