LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Tumanggap ng parangal ang dalawang huwaran na Mindoreños at lokal na pamahalaan sa katatapos na ‘Regional Bayani Ka! Awards 2023’ bilang bahagi ng selebrasyon ng pagkakaisa at pagpapalakas ng komunidad sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Mimaropa sa pamamagitan ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) na ginanap sa Madison 101 Hotel Tower sa lungsod ng Quezon noong Setyembre 8.
Sa temang ‘Mga Kwento ng Pagbabago,’ isinalarawan dito ang pagkakaisa ng komunidad at ang pakikipag-ugnayan nito sa mga Local Government Units (LGUs) gayundin sa mga indibidwal ng pamayanan na siyang ibinabahagi ang kanilang ginagampanang tungkulin sa pagharap sa mga hamon patungo sa paglago sa pamamagitan ng Community-Driven Development (CDD) ng KALAHI-CIDSS.
Isa sa pinarangalan para sa kategorya ng grupo bilang ‘Improved Local Governance’ ang pamahalaang bayan ng Bongabong na kung saan tinanggap ni Mayor Elegio Malaluan at Sangguniang Bayan Councilor Jayson Barcelona ang plake ng pagkilala at P10,000 cash incentive dahil sa programa nitong ‘Tapungan sa Barangay’ na ang layunin ay palakasin ang mga lokal na komunidad sa ilalim ng isang inklusibong pamamahala kung saan mas nabibigyan ng boses ang mga tao na sila mismo ang tumutukoy ng kanilang mga pangangailangan at kung paano matutugunan katuwang ng LGU.
Naghatid ng mga ‘Kwento ng Pagbabago’ sina (mula kaliwa pa kanan), Bongabong Mayor Elgin Malaluan, Jacqueline Andress at Barangay Chairman ng Bato sa bayan ng Bansud na si Perpetuo Alo sa katatapos na Regional Bayani Ka! Awards 2023 na ginanap sa Madison 101 Hotel Tower sa lungsod ng Quezon kamakailan. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-OrMin)
Para naman sa kategoryang indibidwal sa hanay ng Indigenous Peoples Welfare, pinarangalan si Jacqueline U. Andres, isang katutubong Mangyan mula sa tribong Alangan ng Brgy. Lantuyang, Baco na ngayo’y isa nang ganap na guro sa high school. Nagpursiging makatapos upang maiahon ang pamilya sa kahirapan at noong Oktubre 2022 ay isa na siyang ganap na guro matapos pumasa sa Licensure Examination for Teachers at sumali sa mga gawain ng KALAHI-CIDSS, at naging bahagi ng BIDS and Awards Committee na tagasuri ayon na rin sa pamantayan ng nasabing programa.
Ang ikatlong Mindoreño na sumungkit ng indibidwal na parangal ay si Barangay Chairman Perpetuo Alo ng Brgy. Bato, Bansud na kung saan kanyang itinaguyod ang pamumuno sa mga katutubo upang matulungan na maiahon sa kahirapan at pamunuan ang kanyang komunidad lalo na noong panahon ng pandemya.
Samantala, hinikayat ni DWSD Regional Director Leonardo C. Reynoso ang mga tumanggap ng parangal na nawa’y mapanatili nila ang kanilang magandang nasimulang pamumuno sa kanilang lugar.
“Napakalaki ng potensyal ng mga Regional Bayani Ka! Awardees na sila ay maging mahusay na taga-pamuno sa kanilang komunidad. Yung iba ay namumuno na sa kanilang pamayanan pero ang nais natin ay maipagpatuloy nila ito,” ayon Reynoso.
Dahil sa programang ito, isinusulong ng DSWD ang pagkilala sa mga napagtagumpayan ng Regional Bayani Ka! Awards 2023 na mabigyang halaga ang mga prinsipyo at nakasanayan nito sa kongreso para sa Institutionalization of Community-Driven Development. Magsisilbi rin itong panawagan para sa pagkilos ng pamahalaan (sa lebel ng rehiyon at nasyunal), upang mamuhunan at suportahan ang mga programa ng CDD sa buong bansa. (DN/PIA Mimaropa-OrMin)