VIRAC, Catanduanes (PIA) – Pinangunahan ni Most Reverend Manolo A. de los Santos, Obispo ng Virac, ang Banal na Misa sa Our Lady of Immaculate Conception, Virac Cathedral na siyang hudyat ng pagsisimula ng National Bible Month Diocesan Celebration noong ika-21 ng Enero.
Sa kanyang homiliya, binigyang diin ng obispo ang halaga ng pagbabasa ng bibliya.
Kasabay ng pagdiriwang ay ang pagbendisyon sa mga bibliyang dala ng mga kalahok at iba pang dumalo sa misa.
Pagkatapos ng misa, nagkaroon ng Silent, Penitential Walk of the Lord sa pamamagitan ng motorcade ng mga kalahok, facilitators, at ilang mga pari ng diocese mula sa Virac Cathedral patungo sa Risen Christ Pastoral Complex kung saan ginanap ang karamihan sa mga aktibidad ng pagdiriwang.
Ipinaliwanag ni Rev. Fr. Salvador Rojas, Direktor ng Commission on Family and Life, ang unang paksa tungkol sa Pagpapakilala ng Salita ng Diyos sa mga Pamilya. samantala tinalakay naman ni Rev. Fr. Raul de los Santos, Direktor ng Office of Basic Faith Community, ang ikalawang paksa tungkol sa Pagdanas ng Salita ng Diyos sa Basic Faith Community.
Isang Bible Forum ang isinagawa pagkatapos ng mga talakayan. Ang mga tanong ng bawat kalahok ay sinagot at binigyang-linaw nina Rev. Fr. Raymund Fajardo, Rector ng Immaculate Conception Seminary, at Rev. Fr. Eric John Rojas, Diocesan Oeconomus.
Isa sa mga highlights ng National Bible Month Diocesan celebration ang Bible Quiz Bee na nilahukan ng tatlong kinatawan kada bikaryo. Ang mga kalahok ay galing sa mga bikaryato ng San Andres, Viga, Pandan, Baras, San Miguel, Bato, Virac, Caramoran, at Panganiban. May kinatawan din ang Immaculate Conception Seminary.
Hinirang na kampeon ang grupo nina Romeo Soledad, Ana Vitalicio, at John Patrick Obierna mula sa Bikaryato ng Panganiban.
Ang National Bible celebration ay nagsimula noong 1982, matapos lagdaan nin dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, ang Presidential Proclamation No. 2242, kung saan ang unang linggo ng adviento(First Sunday of Advent) bilang National Bible Week sa pangunguna ng Philippine Bible Society (PBS). Sa panahon ni dating pangulong Corazon C. Aquino nilagdaan ang Proclamation No. 44 kung saan nilipat ang pagdiriwang ng National Bible sa unang linggo ng taon.
Sa panahon ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte kanyang nilagdaan noong Enero 5, 2017 ang Proclamation No.124 na nagtatalaga sa buwan ng Enero bawat taon bilang National Bible Month, at ang huling linggo ng Enero bilang National Bible Week. (PIA5/Catanduanes/Agnes Brotamonte)