NCDA, nag inspeksiyon sa mga gusali sa paligid ng city hall


Kasabay ng pagsasanay sa pag gamit ng mga pasilidad para sa taong may kapansanan, sumakay ang isang may kapansanan sa lift o elevator (kanang larawan) na matatagpuan sa loob ng City Hall kasama ang mga Accessibility Audit Training Team kung paano ito gamitin. (Larawan kuha ng PDAO Calapan)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Bilang pagtugon sa Batas Pambansa Blg. 344 (An Act to Enhance the Mobility of Disabled Persons by Requiring Certain Buildings, Institutions, Establishments and Public Utilities to Install Facilities and Other Devices) o mas kilala bilang Accessibility Law, nag inspeksiyon ang Accessibility Audit Training Team ng National Council on Disability Affairs (NCDA) sa mga gusali sa loob ng bakuran ng Calapan City Hall.

Kasama ni Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Head, Benjamin Agua, Jr. ang grupong sumusuri sa mga gusali, palikuran, rampa, signage at iba pang pasilidad kasabay ng pagsasanay ng ilang mga may kapansanan gamit ang mga assistive devices tulad ng wheelchair at saklay kung ayon ba sa mga sukat ang pasilidad para sa mga taong may kapansanan.

Kabilang sa mga sinuring gusali ay ang Executive Building, Sangguniang Panlungsod at City Health Department at pagkatapos ay agad nag-ulat ang grupo ng kanilang obserbasyon, rekomendasyon at solusyon ayon sa kanilang mga nasaksihan sa naganap na pagsasanay.

Bukod sa mga pasilidad sa Pamahalaang Lokal ng Calapan, nagsagawa din ng inspeksiyon at pagsasanay ang grupo sa bagong Calapan Port Terminal Building. (DPCN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content