NCIP NE, tiniyak ang paghahatid ng legal assistance sa mga katutubo

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Tiniyak ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na mabibigyan ang mga katutubo ng legal assistance kung mayroong manggipit sa kanilang karapatan lalo na sa kanilang ancestral domain.

Hindi maaaring pumasok ang Non-Indigenous Peoples (non-IPs) sa mga ancestral domain ng Indigenous Peoples (IPs) kung walang pahintulot.

Sinabi ni NCIP Nueva Ecija Provincial Officer Henry Tayaban na bilang pagprotekta sa mga katutubo, maaaring makasuhan ang mga Non-Indigenous Peoples (non-IPs) na manghihimasok sa mga ancestral domain sa lalawigan alinsunod sa Indigenous Peoples Rights Act 1997 o IPRA Law.

Gayunpaman, ang mga non-IPs na nasa loob na ng mga ancestral domain bago pa maaprubahan ang IPRA Law ay nirerespeto at kinikilala ayon sa Section 56 ng naturang batas.

Ngunit may mga kundisyon aniya na dapat sundin ang mga non-IPs na pinahintulutang manirahan sa mga ancestral domain.

Samantala, ang mga nangangailangan ng serbisyong legal ay maaring makipag-ugnayan sa kani-kanilang Indigenous People Mandatory Representative o personal na magtungo sa opisina ng NCIP Nueva Ecija na matatagpuan sa Old Capitol Compound sa lungsod ng Cabanatuan.

Sa kasalukuyan, mayroong kinikilalang walong ancestral domain ang lalawigan ng Nueva Ecija.

Kabilang na riyan ang Kalanguya Ancestral Domain sa Carranglan, Papaya Ancestral Domain sa General Tinio, Mabaldog Ancestral Domain sa Calabasa sa bayan ng Gabaldon, at Dupinga Ancestral Domain sa Malinao sa bayan ng Gabaldon,

Pati na ang Bugnan Ancestral Domain sa Bugnan sa bayan ng Gabaldon, Pagsanhan Ancestral Domain sa bayan ng Gabaldon, Amaya Ancestral Domain sa Langka sa lungsod ng Palayan, at Digmala Ancestral Domain sa Labi sa bayan ng Bongabon.

Nagsilbing panauhin si Tayaban sa kamakailang episode ng Leaders In Focus ng Philippine Information Agency na layuning maipalaganap ang mga isinusulong na programa ng gobyerno na makatutulong sa mga mamamayan. (CLJD/MAER-PIA 3)

Inilahad ni National Commission on Indigenous People Nueva Ecija Provincial Officer Henry Tayaban na mabibigyan ng legal assistance ang mga katutubo kung mayroong manggipit sa kanilang karapatan lalo na sa kanilang ancestral domain o mga lugar na kanilang tinitirahan at pagmamay-ari. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

In other News
Skip to content