NCR NAKAPAGTALA NG PINAKAMARAMING KASO NG TIGDAS

Ayon sa pinakahuling datos nitong ika-15 ng Marso 2025, may naiulat na 1,185 kaso ng measles-rubella (MR) sa bansa, na mas mataas ng 27% kumpara sa 930 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon. Kabilang sa tatlong nangungunang rehiyon na may pinakamaraming kaso ay ang National Capital Region na may 295 kaso, kasunod ay ang Central Luzon na may 150 kaso, at Calabarzon na may 144 na kaso. Sa tala ng DOH, karamihan pa rin sa mga naapektuhan ay hindi nabakunahan o nasa bilang na walong daan at dalawang kaso (802 o 68%).

Patuloy na binabantayan ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang mga kaso ng tigdas sa bansa kasabay ng pinaigting na kampanya upang mapabakunahan ang lahat ng batang Pilipino laban sa sakit na ito.

“Sa lugar na maraming bata ang hindi bakunado ay mas mataas din ang dami ng kaso,” ani Health Secretary Teodoro J. Herbosa. “Mga magulang, halina po at pabakunahan ang inyong mga anak laban sa tigdas,” dagdag ng Kalihim.

Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng routine immunization sa lahat ng rehiyon sa bansa para sa mga batang edad 0-12 buwan upang maprotektahan sila laban sa iba’t ibang sakit, kabilang ang tigdas. Sa ilalim nito, ang unang dosis ng bakuna para sa tigdas ay ibinibigay sa ika-9 na buwan, habang ang pangalawang dosis ay sa ika-12 buwan.

Pinaigting din ng DOH ang malawakang catch-up immunization na kasalukuyang isinasagawa sa ilang rehiyon sa bansa. Ang catch-up immunization ay para sa mga batang edad 13-59 na buwan na hindi nakumpleto ang routine immunization sa itinakdang panahon. Sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, barangay health workers, at iba pang sektor, layunin ng parehong kampaya na maabot ang lahat ng batang hindi pa nababakunahan.

Hinihikayat ng DOH ang mga magulang at tagapag-alaga na tiyaking mababakunahan ang kanilang mga anak upang maprotektahan sila mula sa malubhang komplikasyon na dulot ng tigdas. Makipag-ugnayan sa pinakamalapit na health center para sa schedule ng pagpapabakuna. Pinakamabisang paraan pa rin ang ligtas at epektibong mga bakuna upang maiwasan ang sakit at komplikasyon nito.

###

In other News
Skip to content