Network para sa Marine Protected Areas sa Pangasinan, isinusulong ng pamahalaang panlalawigan

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang pagtatatag ng samahan o network na tutulong sa pangangalaga ng marine protected areas sa Pangasinan.

Ang planong pagtatatag ng Marine Protected Areas network sa lungsod ng Alaminos at bayan ng Anda at Sual ay pagtitibayin ng isang memorandum of agreement (MOA) base sa isang provincial board resolution, na inakda nina Sangguniang Panlalawigan Members Vici Ventanilla at Nicholi Jan Louie Sison.

Ang nasabing MOA ay lalagdaan nina Pangasinan Governor Ramon Guico III, kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR), at ang local government units ng Alaminos City, Anda, at Sual.

Ayon sa provincial resolution, ang pagtatatag ng network ng Marine Protected Areas sa ilang mga lugar ng Pangasinan ay magiging isang napapanahong hakbang para sa proteksyon ng mahahalagang marine at coastal biodiversity sa lalawigan.

Layunin din ng pagsusulong ng network ng Marine Protected Areas na mapangalagaan, maprotektahan at mapagyaman pa ang mga nasabing lokal na baybayin, mapanatili ang yaman nito at mapakinabangan pa ng mga mamamayan ng Pangasinan.

Nakasaad din sa resolusyon na ang  pagprotekta at tamang pamamahala sa coastal habitats sa mga Marine Protected Areas ay may mahalagang bahagi sa pagpapalawig at pagpapalakas ng katatagan ng isang komunidad laban sa nagbabagong klima.

Ito rin ay nakikitang magiging kapaki-pakinabang sa lalawigan sa aspeto ng seguridad ng pagkain, pagpapanatili ng kabuhayan, pagpapalago ng ekonomiya gayundin sa climate change mitigation at adaptation.

Ang mga coastal at marine areas ng tatlong bayan ay magiging “host” ng mahahalagang coastal habitats, na itinuturing na repository ng marine biodiversity kaya naman ang pagtutulungan ng pamahalaan ay magsisilbing susi upang maging epektibo ang nasabing network na nagsasaalang-alang sa mga banta ng pagbabago ng klima, storm surge, marine pollution, at iba pa. (JCR/AMB/RPM/PIA Pangasinan)

In other News
Skip to content