No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Mga Quirinian pinaalalahanan hinggil sa nutrisyon, kalusugan

CABARROGUIS, Quirino (PIA) - - Sa pagdiriwang ng ika 47th Buwan ng Nutrisyon, muling nagpaalala si Governor Dax Cua tungkol sa pangangalaga ng kalusugan lalo pa at panahon ng pandemya.

“Ngayong panahon ng COVID 19 pandemic, hindi lamang po ang virus ang ating nilalabanan, kasama na dito ang malnutrisyon na dulot ng pagbaba ng ating ekonomiya, pagkawala ng trabaho at kabuhayan ng maraming mga pamilya," saad ni Cua.

 Ito aniya ang dahilan ng kakulangan ng pagkain sa mga tahanan na isang sanhi sa paglala ng problemang malnutrisyon.

Ayon pa kay Cua, palalakasin ng probinsya ang food security program at tutulungan ang mga magsasaka para masiguro ang masaganang ani.

"Hikayatin natin ang bawat pamilya na magkaroon ng gulayan sa bawat bakuran," ani Cua.

Binigyang diin din ng gobernador ang kahalagahan ng pagtutok sa  unang 1000 na araw ng pagkasilang o ang tinatawag na golden window of opportunity.

"Siguraduhin na mula sa pagbubuntis ng isang ina ay makukuha niya ang sapat na nutrisyon at serbisyong pangkalusugan," pahayag ng gobernador.

Dagdag pa ni Cua, mahalagang mula pagkasilang ng sanggol hanggang sa anim na buwan, gatas ng ina lamang ang dspat ibigay at karagdagang sapat na masustansyang pagkain hanggang dalawang taon para masigurado ang optimum growth and development ng mga bata.

Hinimok ng gobernador ang mga partner sa pamahalaan, NGO at pribadong sector na magsama- sama at magtulung- tulong na magplano, maglaan ng pondo at magpatupad ang mga proyektong makakatulong sa bawat pamilya.

"Suportahan natin ang RA 11148, isulong ang first 1000 days program, malnutrisyon ay ating labanan para sa malusog at produktibong mamamayan,” pagtatapos ni Gov. Cua. (MDCT/TCB/PIA Quirino)

About the Author

Thelma Bicarme

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch