Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: DSWD regional warehouse, itatayo sa Ibaan, Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) --Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) nitong Lunes, Hulyo 12, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Department of Social Welfare and Development para sa pagtatayo ng regional warehouse sa bayan ng Ibaan.

Sa ilalim ng kasunduan ay maglalaan ng 5,356 sq.m. na lote ng pamahalaang panlalawigan sa Brgy. Malainin sa bayan ng Ibaan para sa itatayong regional warehouse.

Ayon kay Social Welfare Secretary Rolando Joselito Bautista, malaking tulong ang naturang proyekto upang mas mailapit sa mga tao ang pagpapaabot ng serbisyo lalo na sa panahon ng kalamidad na nararanasan sa lalawigan dulot ng pag-alburuto ng Bulkang Taal at maging sa iba pang malalapit na probinsya.

“Malaki ang maitutulong sa pagkakaroon ng sariling regional warehouse ng ahensya sapagkat mas mabilis ang maaaring pagtugon at pagbibigay natin ng tulong sa mga naapektuhang pamilya tulad ng mga food packs, hygiene kits at iba pa,” ani Sec. Bautista.

Kaugnay nito ay nagpaabot ng pasasalamat si Sec. Bautista kay Gov. Hermilando “Dodo” Mandanas sa pagtugon sa hiling ng DSWD upang maitayo ang regional warehouse.

“Kaya’t nagpapasalamat ang DSWD kay Governor Hermilando Mandanas at sa lokal na pamahalaan ng Ibaan sa pangunguna ni Mayor Edralyn Joy Salvame sa pagsang-ayon na makapagtayo ang Kagawaran ng sariling regional warehouse. Napakahalaga ng pagkakaroon ng karagdagang warehouse upang maisagawa ang mandato ng Kagawaran,” dagdag ng Kalihim.

Aniya pa, hindi lamang ang lalawigan ang maaaring makinabang dito kundi maging ang buong rehiyon.

Binigyang diin pa ni Bautista na ang pagtutulungan ng pamahalaang nasyunal at lokal ay magpapadali upang matutugunan ang anumang hamon na dala ng bawat kalamidad na nararanasan.

Bilang tugon, nagpaabot din ng malugod na pasasalamat si Governor Mandanas sa proyektong ito at naniniwala siya na malaking tulong ito sa mga Batangueno.

Nakasaad din sa kasunduan  na ang DSWD ang magtatayo ng regional warehouse  sa loob ng limang taon matapos ang paglagda sa kasunduan at maaari itong gamitin ng Kagawaran sa loob ng 25 taon o maaari ding i-extend batay sa usapan ng dalawang partido. 

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch