Mga legasiya ni PRRD, ibinahagi ni PCOO Sec. Andanar
PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Ibinahagi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Jose Ruperto Martin M. Andanar ang mga naging legasiya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kaniyang pamumuno sa bansa simula noong taong 2016.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas-Palawan kay Secretary Andanar noong Agosto 13, sinabi niya na malinaw naman ang binanggit ng Pangulo sa 'Build, Build, Build Program' kung saan kabilang aniya dito ang mahigit 29K kilometrong kalsada na nagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang mahigit 450 sea ports; 214 airports na natapos ng Department of Transportation (DOTR), at ang mahigit 150K silid-aralan na nagawa ng Department of Education (Deped), katuwang din ang DPWH.
“Bukod diyan, ang ating airport ay tinaguriang '10th most improved airport in the world' - wala nang laglag-bala, wala nang pastillas gang, wala nang kurapsyon na nabibiktima ang mga OFWs”, giit pa niya.
Ayon pa kay Sec. Andanar, ang mga kalye ay naibalik na sa mga mamamayan dahil bumaba ang krimen ng 64% sa buong Pilipinas kung saan mayroon P59 bilyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa mga druglords at mahigit 807 drugden ang nabuwag ng gobyerno. Sa katunayan aniya, mahigit 22K barangay na ang naideklarang drug-cleared ng PDEA at Department of Interior and Local Government (DILG).
Samantala, mayroon namang mahigit 937K magsasaka ang nabigyan ng libreng irigasyon dahil sa Free Irrigation Act, at mahigit 1.6 milyong mag-aaral sa kolehiyo ang nabigyan ng libreng tuition fee dahil sa Free Tuition Act na pinirmahan ng pangulo.
Idagdag pa aniya rito ang nasa mahigit 130 Malasakit Centers na naitayo kung saan mahigit dalawang milyon pasyente ang nakinabang sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng gamot, pampagamot, at pamasahe. Naipasa rin ang Bangsamoro Organic Law na nagbigay ng kapayapaan sa Mindanao, at itinaas ang sahod ng mga sundalo at pulis.
Nagtayo rin ng Mindanao Media Hub,ang pinakamalaking government media facility sa buong bansa, inaprubahan rin ang Visayas Media Hub na malapit nang pasimulan, at maging ang government communication academy na isang paaralan para sa mga information officer mula sa barangay hanggang sa national government ay inaprubahan rin ng pangulo.
Pinayagan rin aniya ng Pangulo ang PCOO para makibahagi sa paggawa ng mga pampublikong polisiya na nagresulta sa paglabas ng isang Executive Order ng presidente para maipatupad ang Freedom of Information, gayundin ang sa pagbuo ng special task force para sa kaligtasan ng mga mamamahayag at sa pinanunukalang batas ngayon na Media Workers Welfare Bill na pumasa na sa Kongreso.
Mariing iginiit naman ni Sec. Andanar na napakaraming nagawa ang pangulo hindi lamang sa malalaking ahensya bagkus ay pati sa mga maliliit din at ramdam ng mga Pilipino ang mga pagbabagong ito.(MCE/PIA MIMAROPA)