SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Sumailalim kamakailan sa Technical Organizational Management Training (TOMT) na idinaos sa Barangay Poblacion, Magsaysay ang 25 benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development ng Department of Agriculture (DA-SAAD) ng nabanggit na bayan.
Ang mga partisipante ay kumakatawan sa limang samahang benepisyaryo ng DA-SAAD na kinabibilangan ng Sipag at Tiyaga: Wood Vinegar Farmers Association (STWVFA), Calawag Service Provider Association (CSPA), Unlad-Kita Laste Farmers Association (UKLFA), Calawag Mushroom Association (CMA), at Poultry Calawag Association (PCA).
Ayon kay Engr. Elmer T. Ferry, DA-SAAD Regional Technical Director (RTD), ipinaunawa sa mga dumalo ang mga benepisyo kung ang kanilang samahan ay magiging ganap na kooperatiba at ang mga tulong na maaari nilang matanggap mula sa DA at iba pang ahensya. Maaari din aniyang pumasok sa pagnenegosyo ang kooperatiba at kalaunan ay maging bahagi ng pag-angat ng ekonomiya ng kanilang lugar.
Ipinaliwanag ng Regional Technical Director na unang hakbang sa pag-oorganisa ang palakasin ang kasalukuyang samahan sa pamamagitan ng mga pagsasanay na ibibigay ng DA-SAAD. Tuturuan ding palaguin ang kanilang negosyo, “nagbigay na tayo ng livelihood program, at kailangan itong mapalago,” saad ni Ferry.
Aniya, ang iginawad nilang kabuhayan ay maaaring makatulong sa araw-araw na pangangailangan sa umpisa, na dapat unti-unting paunlarin hanggang lumabis ang produksyon at maibenta sa iba upang maging income o kita.
Itinuro na din ng DA-SAAD ang basic accounting na kailangang matutunan ng mga magnenegosyo. “Sa pamamagitan ng basic accounting, makikita nila kung kumikita ba sila o hindi,” dagdag pa ng opisyal.
Naniniwala si Ferry na maliban sa mga kaalamang teknikal na hatid ng TOMT, nabuksan din nito ang kaisipan ng mga benepisyaryo sa bagong pananaw. Noon, ani Ferry, nakakulong ang mga ito sa paniniwala na hindi na sila uunlad. Ngunit sa pahayag na rin mismo ng mga benepisyo, nakita nila ang posibilidad na sa pamamagitan ng tamang patnubay, pagsisikap at mga pagsasanay, maaari silang pumasok sa negosyo at magtagumpay.
Ayon kay Ferry, marami pang pagsasanay ang ibibigay sa kanilang mga benepisyaryo bilang paghahanda sa pagiging ganap na kooperatiba na may kakayahang humarap sa mga hamon ng pagnenegosyo.(VND/PIA MIMAROPA)