Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

ARTA, hinihikayat ang gobyerno na gumamit ng e-signature

LUNGSOD QUEZON (PIA)-- Wala ng dahilan ayon kay ARTA Director-General Jeremiah Belgica upang hindi gumamit ng digital signature ang mga ahensya ng gobyerno sa mga dokumento nito dahil mismong Commission on Audit (COA) ang nanghihikayat na gawing kasanayan ito.


Base sa ipinalabas na COA Circular No. 2021-006 noong Setyembre 6, 2021, lahat ng official, designated, o authorized na empleyado na gagamit ng digital signature ay kailangang mag-apply ng kanilang individual certificates sa Department of Information and Communication (DICT) sa pamamagitan ng Philippine National Public Key Infrastructure (DICT-PNPKI) system.


Sa DICT-PNPKI, ang aplikante ay dadaan sa proseso ng identity verification at tuturuan ng tamang paggamit ng digital certificate na nakatakda sa DICT-PNPKI Digital Certificate Subscriber Agreement.


Upang matiyak ang seguridad ng digital signature, gumagamit ang PNPKI ng paired keys para sa security at authentication sa pagpapasa ng electronic information.


Bukod dito, maari ring mag-apply ng individual certificate mula sa anumang Certificate Authority (CA) na accredited o recognized ng Department of Trade and Industry-Philippine Accreditation Bureau (DTI-PAB) sa pag-issue ng digital certificates na maaring gamitin sa mga government transaction.


Sakop ng Circular na ito ang mga audited agencies na nagsumite ng kanilang mga electronic document sa auditor kapalit ng paper document na kung saan ang lagda ng authorized signatory ay kailangan tulad ng procurement related documents, disburdenment vouchers, requisition and issuance slips, purchase orders, contracts, at memoranda.


Nililinaw din ng Circular na hindi nito pinipigilan ang mga audited agency sa pagsusumite ng paper document o ang kombinasyon ng paper at electronic documents.


Dahil dito, pinasalamatan ni Belgica ang COA sa pagkilala nito sa paggamit ng digital signature sa mga transaksyon sa gobyerno at sa layunin ng ARTA na mapabilis ang transaksyon sa gobyerno.


“Through this recent issuance by COA, we hope that there will be no more hesitancy from the government agencies to shift their practice from manual to digital documentation,” ayon kay Belgica.


(Sa pamamagitan ng bagong labas na sirkular ng COA, inaasahan naming wala nang pag-aalangan ang mga ahensya ng gobyerno na ilipat ang kanilang kasanayan mula sa manu-mano patungong digital documentation).


Nilinaw naman ni Belgica na magkaiba ang e-signature na kinopya at idinikit lamang sa dokumento at ang digital signature ng DICT-PNPKI na mas ligtas at sopistikado. (MBP/PIA-IDPD/dagdag impormasyon mula sa ARTA)

About the Author

Marites Paneda

Writer

Central Office

Information Officer of the Institutional Development Program Division (IDPD).

Feedback / Comment

Get in touch