Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

90 paaralan, aprubado sa face-to-face classes

Siyamnapung (90) pampublikong paaralan ang inaprubahang magsagawa ng face-to-face classes, ayon kay Secretary Leonor Briones ng Department of Education (DepEd) sa press briefing ngayon, Oktubre 25.


Ayon kay Briones,  ang mga paaralang ito ay pumasa sa masusing risk assessment at mga kondisyong itinalaga ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH).


Kabilang sa mga kondisyon ay ang pagpayag ang Local Government Unit na magkaroon ng pilot face-to-face classes sa kanilang teritoryo; kahandaan ng mga pasilidad ng DepEd para sa paghuhugas ng kamay at physical distancing, mga gamot at iba pang kailangan; at ang kasulatang pagpayag ng mga magulang na sumama ang kanilang mga anak sa face-to-face classes.


Samantala, patuloy pa rin ang pagsusuri ng mga aplikasyon mula sa iba pang pribadong paaralan at international schools.  


Layunin ng DepEd na makapagdagdag pa ng dalawampung (20) pribadong paaralan na magsasagawa ng face-to-face classes kasama na ang international schools.


Ayon pa rin kay Briones, 93.2% na mga empleyado ng 90 paaralang kasali sa pilot classes ay bakunado na bilang tugon sa kahilingan ng mga magulang na maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 sa paaralan.


Dagdag pa niya, bagamat mataas ang resistensya at katatagan laban sa COVID-19 ng mga kabataan, ibayong pag-iingat pa rin ang kailangang gawin sapagkat maaari silang mahawa sa labas ng paaralan at maging tagapagdala o carrier ng virus sa loob ng klase.


Nagsasagawa ang DepEd ng mga orientasyon sa mga magulang upang hikayatin silang makipagtulungan sa lalong pagpapaigting ng pag-iingat. 


Ayon kay Briones, sa sandaling magkaroon ng kaso ng COVID-19 sa mga paaralan ay ititigil ng DepEd ang klase upang mapangalagaan ang iba pang mag-aaral. (ARR/PIA-IDPD)




About the Author

Adora Rodriguez

Writer

Central Office

Feedback / Comment

Get in touch