Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagsanjan Falls, bukas na muli sa mga turista

PAGSANJAN, Laguna (PIA) — Dahil sa patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso ng Covid-19 at pagsasailalim sa buong lalawigan ng Laguna sa Alert Level 2, muling binuksan ng lokal na pamahalaan ng Pagsanjan ang Pagsanjan Falls para sa mga turista, nitong Lunes, Nobyembre 15.

Pinangunahan nina Mayor Peter Casius ‘Toto’ Trinidad at Gov. Ramil Hernandez kasama ang ilang kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ang simbolikong pagbubukas ng turismo sa Pagsanjan.

“Unti-unti nating ibalik ang sigla ng turismo dito sa ating bayan at patuloy lamang natin ang pagtutulungan para mas mapagtagumpayan natin ang hamon ng pandemya na ito sa ating Bayan ng Pagsanjan,” pahayag ni Mayor Peter Casius Trinidad.

Para naman kay Hernandez, makakatulong ang pagbubukas ng turismo sa Pagsanjan para sa mga bangkero na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa Covid-19 pandemic.

“Magandang balita po ito para sa mga kalalawigan nating bangkero na lubos na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya. Sa ating pagtutulungan at patuloy na pagsunod sa mga health protocols ay unti-unting makakabangon muli ang turismo sa buong lalawigan,” pahayag ni Hernandez.

Kaugnay nito ay naglabas ng alituntunin ang lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga bangkero at turista laban sa patuloy pa ring banta ng nakahahawang sakit na Covid-19.

Alinsunod sa protocols ng Pagsanjan Inter-Agency Task Force at Executive Order No. 76 na nilagdaan ni Trinidad, kinakailangan na ‘fully vaccinated’ ang mga bangkero na magbibigay serbisyo sa mga pasahero at turista.

Dalawang pasahero lamang kada bangka ang papayagan alinsunod sa ipinapatupad na physical distancing protocol habang 10 bangka naman bawat oras ang pahihintulutang makapasok sa pinakadulong bahagi ng Pagsanjan Falls upang maayos na ma-monitor ang bilang ng mga tao.

Ayon pa sa kautusan, ang mga edad 65 pataas ay maaaring payagan kung sila ay 'fully vaccinated' na habang ang mga may edad 18 pababa ay hindi pa pinapahintulutan. Papayagan naman ang mga walk-in tourists ngunit kinakailangan nilang mag-sumite ng health declaration form sa pagbisita nila sa Pagsanjan Falls.

Ayon kay Trinidad, hanggang 20 bangkero lamang ang mananatili sa UBAP station na itinalaga rin bilang lugar para sa inspeksiyon ng mga kaukulang dokumento tulad ng vaccination card o certificate gayundin ang pagsusuri sa temperatura at health declaration ng mga pasahero at turista.

Magtatalaga rin ng Tourist Police sa UBAP station upang mabantayan ang kaayusan sa mga turista, mga bangkero at pagsisiyasat sa vaccination cards ng mga pasahero.

Kinakailangan din na lahat ng hotel establishments na tatanggap ng mga turista ay sumusunod sa mga alituntunin na itinakda ng Department of Tourism gaya ng pagkakaroon ng health declaration forms para sa lahat ng bisita.

Kaugnay nito ay nanawagan din si Trinidad sa publiko na sumunod sa mga alituntuning ipinapatupad upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa muling pagbubukas ng Pagsanjan Falls.

“Nakikiusap po kami sa inyong suporta, pakikiisa, at pakikipagtulungan upang masiguro natin ang kaligtasan at kaayusan ng bawat isa. Dalangin namin ang muling pagbangon ng industriya ng turismo para sa ating bayan, lalo na ang pagkakaroon ng hanapbuhay ng ating mga bangkero,” pahayag ng alkalde.

Nagkaloob rin ng bangka ang pamahalaang bayan para sa ilang bangkero sa Pagsanjan Falls bilang suporta sa kanilang kabuhayan. — Maine Odong, PIA 4A

About the Author

Fredmoore Cavan

Information Officer II

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch